Pormal nang umarangkada ang 2017 Gawad Saka Search for Agricultural Achievers sa Lambak ng Cagayan.
Ito ay matapos magpresenta ang limang probinsiya nito ng kani-kanilang mga pambato sa 23 kategorya ng nasabing patimpalak.
Ayon kay Ginoong Isidro B. Acosta Sr., Chairman ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) at Gawad Saka Search Steering Committee, ang nasabing aktibidad ay napakahalaga upang mabigyan ng pagkilala ang mga kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
“Para sa akin, ang Gawad Saka ay isa sa mga pangunahing paraan upang matulungan sila na magkaroon ng dignidad at tamang puwang sa lipunan.” sabi ni Acosta.
Napakalaki ang tulong ng mga Lokal na Pamahalaan sa Kagawaran ng Pagsasaka sa ginagawa nitong pagpapakilala sa mga makabagong teknolohiya ayon kay Acosta.
“Kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagdalo. Ito ay patunay sa inyong pakikiisa sa mga adhikain ng pamahalaan na makamit ang kasapatan sa pagkain sa buong bansa,” ani Regional Technical Director Orlando J. Lorenzana ng DA-RFO 02.
Hinikayat ni Lorenzana ang mga lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor na ipagpatuloy ang magandang performance ng rehiyon sa Gawad Saka.
“Kilala ang Lambak ng Cagayan bilang prodyuser ng katangi-tanging mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa. Ang rehiyon ay itinanghal bilang Champion Advocate sa Gawad Saka dahil tayo na ang may pinakamaraming national awardees sa buong bansa.”
Sa taong ito, ang mga probinsiya ng Isabela at Cagayan ang may pinakamaraming nominado na mayroong tig-labing siyam. Samantala, ang Nueva Vizcaya ay mayroong labing-isa, Quirino ay may siyam at Batanes ay may isang nominado.
“Sana ay patuloy na maging daan ang Gawad Saka sa pagkamit ng mas maigting na pagtutulungan at pagkakaisa. Mayroon tayong kanya-kanyang mga nominees ngayon pero sa bandang huli ang buong rehiyon pa rin ang mangibabaw. Sinuman sa kanila ang mananalo ay karangalan natin lahat,” sambit ni Lorenzana.
Pinaalalahanan din ni Lorenzana ang mga dumalo na ang Gawad Saka ay isang friendly contest at dapat walang sakitan ng loob dahil tayo ay isang nagkakaisang rehiyon.
Inaasahan na magiging matagumpay na naman ang taong ito para sa rehiyon. Noong nakaraang taon ay nakuha ng Rehiyon Dos ang tatlong national awards na kinabibilangan ng Outstanding Young Farmer, Rural Improvement Club (RIC) at Barangay Food Terminal (BFT).