Malaki ang pasasalamat ni Mayor Shalimar D. Tumaru sa sinabi ni Kalihim Emmanuel F. Piñol kamakailan na isa ang Bayan ng Aparri, Cagayan sa sampung gagawing pilot sites na pagtatayuan ng Solar Powered Irrigation System (SPIS) sa buong bansa.
“Kami po sa Aparri ay natutuwa at nagpapasalamat sa magandang hangarin ni Kalihim Piñol sa aming bayan,” ani Tumaru.
Matatandaan na bago opisyal na umupo bilang Kalihim si Piñol, isa sa mga munisipyo na kanyang binisita sa pamamagitan ng kanyang Biyaheng Bukid ay ang Aparri.
Sa nasabing pagbisita, nakita nito ang problema sa irigasyon.
“Nasa inyo ang pinakamahabang ilog sa bansa (Cagayan River) ngunit nagkukulang naman kayo ng patubig dahil sa mababaw na ito.” sabi ng Kalihim.
Kamakailan, isa sa mga plano na inilapag at inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang dredging ng apat na pangunahing ilog sa bansa na kinabibilangan ng Cagayan River.
Samantala, sinabi ni Gng. Maritess Robinion, Municipal Agriculturist, na validated na ang lugar na pagtayuan ng SPIS.
“Kasama ang RFO 02, napuntahan na namin ang site na pagtatayuan nito. Sana maging maganda ang resulta ng field validation sa Barangay Navvagan para maisakatuparan ang kagustuhan ng Kalihim na magkaroon ng sapat na patubig ang mga pananim,” aniya.
Ang SPIS ay maituturing na pet project ni Piñol. Matatandaan na inilunsad ito kamakailan sa M’lang, North Cotabato na kung saan dumalo si Presidente Rodrigo R. Duterte, mga Regional Executive Directors ng Kagawaran, magsasaka, mangingisda at iba pang sector ng pamahalaan.