Tinanggap ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang isang prestihiyosong parangal na iginawad ng Civil Service Commission kamakailan lamang sa larangan ng human resource management system, competencies and practices.
Ang parangal ay kumikilala sa kagawaran bilang isa sa anim (6) na mga ahensyang nakahanay at nagpapatupad sa apat (4) na core human resource management areas.
Ang programang Institutionalizing Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM) ay naglalayong pagtibayin ang mga ahensya sa larangan ng recruitment, selection and placement, performance management, learning and development at rewards and recognition.
Sa kabuuan, dalawampu’t apat (24) na mga ahensya sa rehiyon ang tumanggap ng parangal mula sa 153 na mga ahensya ng gobyerno dito sa rehiyon. Ang kagawaran ay natukoy bilang nasa kategorya ng Maturity Level 2, kapantay sa pamantayan ng Asya pagdating sa human resource management.
Sa nasabing parangal, sinabi ni Regional Executive Director (RED) Lucrecio R. Alviar, Jr. na ito ay nagpapatunay sa mga repormang inilunsad ng Kagawaran upang lalo pang pag-ibayuhin ang pagbibigay serbisyo sa pamamagitan ng pagpapalakas sa buong hanay ng mga empleyado.
Pinasalamatan din ni RED Alviar ang lahat ng mga empleyado ng DA-RFO 02 at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang mga good management practices na nasimulan at isinasagawa na ng Kagawaran.