Isinagawa kamakailan ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) ang commodity prioritization sa High Value Crops Development Program (HVCDP).
Ayon kay Regional Executive Director Lucrecio R. Alviar Jr., ang workshop na ito ay naglalayong alamin ang mga nararapat na itanim ng mga magsasaka sa kabila ng nararanasang mga epekto ng pabago-bagong panahon o climate change.
Aniya, panahon na para pag-isipang mabuti ng gobyerno sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor, kung ano ang naaangkop na mga pananim sa isang partikular na lugar.
Matatandaan na pagkatapos ng pagbisita ni Super Typhoon “Lawin” ay nakapagtala ng bilyun-bilyong halaga ng pinsala sa pananim tulad ng mangga at saging na natumba at hindi na napakinabangan pa lalo na sa mga Probinsiya ng Cagayan at Isabela.
Luging-lugi umano ang mga magsasaka dahil sa loob ng tatlo o apat na taon ay kisap-mata lamang na nawala ang kanilang pagod at puhunan.
Ang naturang workshop ay dinaluhan ng mga Provincial Agriculturists, Municipal Agriculturists, Agricultural and Fishery Councils, ibat ibang kooperatiba, mga kawani at eksperto ng DA-RFO 02 mula sa kaniyang mga istasyon at napiling mga magsasaka.
Samantala, sinabi ni Regional Technical Director Robert B. Olinares, Regional Coordinator ng HVCDP, na ang temporaryong napiling mga pananim ay kinabibilangan ng lowland vegetable, citrus, mungbean, at sweet potato o kamote.
Inaasahan na ang pinal na listahan ay ipapalabas ng DA-RFO 02 pagkatapos ng kanilang opisyal na rating sa mas lalong madaling panahon.
Ang nabanggit na mga pananim ay napili ayon sa mga oportunidad na makukuha sa mga ito lalo na sa larangan ng pagnenegosyo at katangian na mabuhay pa rin kahit na maapektuhan ng malalakas na bagyo o ulan.
Hangad ng DA-RFO 02 na sa pamamagitan ng workshop na ito ay mabuksan din ang isipan ng mga magsasaka sa integrated farming para sa dagdag kita.
Ang pag-alaga ng tupa sa ilalim ng citrus o crop-livestock integration ay magandang pagkakitaan na mariing isinusulong ng kagawaran sa kabila ng climate change.