Ipinagkaloob ng Department of Budget and Management (DBM) ang Performance-Based Bonus o PBB sa Department of Agriculture at hinirang bilang Best Performer sa taong 2015 ang Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02).
Ayon sa pagsusuri ng Inter-Agency Task Force on the Harmonization of National Government Performance Monitoring, Information and Reporting Systems o Administrative Order No. 25, ang DA-RFO 02 ay itinanghal na isa sa dalawang nangungunang opisina sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) sa pagkamit ng mga targets nito noong 2015 na siyang dahilan upang maaprubahan ang Performance-Based Bonus.
“Strategically, ang PBB ay nakaambag ng malaki sa aming organizational and employee performance,” sambit ni Director Alviar.
Dagdag pa nito, naging tulay ang PBB sa pagkakaroon ng konkreto at tuloy-tuloy na pagbabago sa paraan ng pagbibigay serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda ng rehiyon.
“Laking pasasalamat ko pagka’t tayo ay number 1 sa buong bansa! Hindi natin ito makakamit kung hindi dahil sa suporta at pagkakaisa ng lahat ng mga empleyado. Ang inyong kontribusyon sa kagawaran ay nagbunga sa mga parangal na natanggap natin,” dagdag ni Alviar.
Ang dalawang magandang balita ay lubos na tinanggap ng pamunuan ng kagawaran at masayang ibinahagi sa mga empleyado sa pagpupulong na ginanap noong Lunes, January 9, 2017.
Ika nya, “ako ay lubos na natutuwa sapagkat dalawang magkasunod na magagandang balita ang bumungad sa atin ngayong 2017.
“Ang mga parangal na natanggap ay sumasalamin sa puspusang adhikain ng kagawaran na makapaghatid ng mabilis at epektibong serbisyo publiko,” pagwawakas ni Alviar.