Ipinatutupad na ng Nueva Viscaya Agricultural Terminal Inc (NVAT) ang pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng imported carrots at broccoli sa loob ng terminal simula October 22, 2026 upang bigyang prayoridad ang lokal na ani at maprotektahan ang lokal na kabuhayan ng mga magsasaka.

Ito ang naging pokus ng talakayan sa pagbisita ni Department of Agriculture-Undersecretary for High Value Crops Development Program, Cheryl Marie “Ching” N. Caballero sa Bambang, Nueva Viscaya kung saan inilatag ang mga hakbang upang mapahusay ang kalidad, suplay, at kakayahang makipagsabayan ng lokal na karot at broccoli sa merkado.

Batay sa datos, tinatayang 90% ng suplay ng karot ay lokal na produksyon, na may tinatayang 40 tonelada kada araw. Samantala, nasa 2.1 tonelada kada araw ang naitalang suplay ng imported carrots.

Kabilang sa mga panukalang hakbang ang pagpapahusay ng postharvest handling mula paglilinis hanggang pag-iimpake, paggamit ng angkop na crates sa pagbyahe, pagtukoy sa mga variety na mas gusto ng merkado, at pagpapalakas ng market linkages upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbili at suplay. Dagdag pa rito ang pagpapabuti sa pag-abot ng mga magsasaka sa pinansyal na tulong o pondo at pagpapalakas ng kakayahan at teknikal na pagsasanay sa mga magsasaka.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapataas ang kalidad at halaga ng lokal na gulay, mapalawak ang oportunidad sa merkado, at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.

Istorya mula kay Aza-zel Erro