Bilang pagpupugay sa mga katutubong patuloy na nag-aambag sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura, ginanap ang ikaapat na Regional Indigenous Peoples (IP) Summit, na pinangunahan ng DA Region 02 sa pamamagitan ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Project bilang bahagi ng pagdiriwang ng IP Month at paggunita sa ika-29 na anibersaryo ng Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA).
Isinagawa ang tatlong araw na pagpupulong at pagdiriwang mula Oktubre 27 hanggang 29, 2026, sa DA Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) sa Bagabag, Nueva Vizcaya. Nagsilbi itong plataporma para sa pagpapalitan ng kaalaman at karanasan sa pagitan ng mga Indigenous Peoples Organizations (IPOs), mga ahensiya ng pamahalaan, at mga katuwang na organisasyon.
Sa temang “Empowering Indigenous Peoples: Strengthening Rights and Culture and Ancestral Domain,” binigyang-diin ng summit ang pagpapalakas at pangangalaga sa karapatan ng mga katutubo, partikular sa kanilang mga lupaing ninuno, gayundin ang pagpapanatili ng kanilang kultura at pagkilala sa kanilang mahalagang kontribusyon sa sektor ng agrikultura. Kaakibat din ito ng mga pangunahing layunin ng 4K Project.
Lumahok sa nasabing pagtitipon ang mga sumusunod na organisasyon: Agta Isigiran Sanchez Mira Association mula sa Sanchez Mira, Cagayan; Agta Diget iti Palaui mula sa Santa Ana, Cagayan; Pasantaken iti Atta ti Gonzaga Association mula sa Gonzaga, Cagayan; Agta Agkaykaysa Association mula sa Gattaran, Cagayan; Mabegsak nga Magsikaw nga Agta ti Dibuluan Association mula sa San Mariano, Isabela; AGDIMASO (Agta Dinapigue Makapiya Organization) mula sa Dinapigue, Isabela; Agta Dupaninan iti Sitio Magamut IPO mula sa San Pablo, Isabela; Balangabang Agriculture, Fisheries and Forestry Association mula sa Kayapa, Nueva Vizcaya; Tamuyan Bugkalot Sustainable Livelihood Association mula sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya; at Agta Farmers Organization mula sa Nagtipunan, Quirino.
Sa unang araw, isinagawa ang serye ng mga talakayan na pinangunahan ng mga kinatawan mula sa NCIP, DTI, ATI, at DOLE ng rehiyon at mula sa kagawaran mismo. Sinundan ito ng isang Open Forum kung saan malayang naibahagi ng mga katutubong magsasaka ang kanilang mga karanasan, saloobin, at katanungan hinggil sa mga programa at serbisyong nakalaan para sa kanila.
Sa ikalawang araw, nagsagawa ng pag-iikot sa NVES upang magkaroon ng karagdagang kaalaman ang mga kalahok sa iba’t ibang gawaing pang-agrikultura, kabilang ang grafting, budding, silage making, coffee production, ube production, high-value crops production at paggamit ng Biological Control Agents (BCAs). Sinundan ito ng presentasyon ng mga accomplishment, milestones, at success stories ng mga kalahok na IPOs.
Nagtapos ang mga aktibidad sa ikalawang pamamagitan ng Cultural and Socialization Night na nagbigay-daan sa pagpapamalas ng mayamang kultura at tradisyon ng mga katutubong pamayanan.
Samantala, sa huling araw, ginawaran ng pagkilala ang mga natatanging indibidwal at organisasyon bilang pagpapahalaga sa kanilang mahalagang kontribusyon sa pagpapatupad ng programa. Nagtapos ang summit sa paglagda ng mga kalahok at kawani ng kagawaran bilang pagpapahayag ng kanilang pangako sa patuloy na pakikiisa at pagsuporta sa mga layunin ng programa.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Ginoong Ronald C. Pamittan, Deputy Director ng 4K Project, ang mga katutubo na huwag ikahiya ang kanilang pagkakakilanlan, bagkus ay ipagmalaki ito. Hinikayat din niya silang patuloy na makilahok sa mga programa ng kagawaran na naglalayong mapaunlad ang sektor ng agrikultura hindi lamang sa Rehiyon Dos kundi maging sa buong bansa.
“Sa ngayon po, hindi po nagtatapos ang aming suporta sa inyo. Ang aming dalangin ay magpatuloy pa ang 4K hanggang 2030 o maging hanggang 2035. Hindi lamang po ito tungkol sa trabaho, sapagkat ang higit nating kailangan ay ang pagkakaisa. Kaya asahan ninyo ang aming patuloy at walang sawang suporta upang lalo pa tayong magtulungan,” ani Pamittan.
Sa pamamagitan ng Regional IP Summit, muling pinagtibay ng DA Region 02 ang pangako nitong isulong ang inklusibong kaunlaran at palakasin ang partisipasyon ng mga katutubo sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura, habang pinangangalagaan ang kanilang mga karapatan, kultura, at mga lupaing ninuno.
Istorya ni Pauline Joy Lago.
