Naghatid ang Department of Agriculture (DA) ng mahigit P1.2 bilyong halaga ng mga agricultural inputs para sa mga magsasaka sa Isabela sa pamamagitan ng malawakang Distribution Caravan of Agricultural Inputs for El Niño Preparedness na isinagawa noong October 16, 2026, sa DA-Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC) Annex, Baligatan, City of Ilagan, Isabela.

 

Nagkakahalaga ng kabuuang P1,208,233,221.00 ang mga ipinamahaging interbensiyon na naglalayong maging handa ang mga magsasaka sa posibleng epekto ng El Niño at suportahan ang pagpapatuloy ng produksyon ng mga pangunahing produktong agrikultural sa lalawigan.

 

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga kasapi ng iba’t ibang farmers’ cooperatives and associations (FCAs) mula sa mga munisipalidad ng Isabela, na binubuo ng mga magsasaka ng palay, mais, at mani, gayundin ng mga magtatanim ng mangga, at mga gulay.

 

Ipinamahagi ang iba’t ibang agricultural inputs sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), Corn Program, at High Value Crops Development Program (HVCDP). Kabilang dito ang hybrid rice at corn seeds, mga produktong panlaban sa peste, biofertilizer, peanut seeds, mango flower inducer, at ibat-ibang fruit tree at vegetable seedlings.

 

Batay sa commodity breakdown, umabot sa P1,113,331,575.00 ang halaga ng mga interbensiyon para sa palay, P92,781,366.00 para sa mais, at P2,120,280.00 para sa HVCDP.

 

Sa ngalan ni Regional Executive Director Rose Mary Aquino, nagpasalamat si Engr. Rolando Pedro, Manager ng DA-CVRC, sa mga magsasakang patuloy na nakikiisa sa mga programa ng Kagawaran. Hinikayat din niya ang mga benepisyaryo na gamitin nang wasto at responsable ang mga natanggap na tulong upang higit na mapakinabangan ang mga ito sa kanilang mga sakahan at taniman.

 

Binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng maagap na paghahanda, wastong pamamahala sa mga pananim, at pakikipag-ugnayan sa mga agricultural technician upang makatulong na mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka.

 

Dumalo rin sa aktibidad ang mga municipal agriculturist mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Isabela at si Provincial Agriculturist Sergio Galamgam, bilang bahagi ng sama-samang pagsisikap ng DA at mga lokal na pamahalaan na maihatid ang mga kinakailangang serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka.

 

Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na isinusulong ng DA ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka na harapin ang mga hamon sa klima, mapanatili ang produktibidad ng kanilang mga sakahan, at makatulong sa pagpapatatag ng suplay ng pagkain sa rehiyon.

 

Istorya mula kay Barby Balcita.