Mula Batanes hanggang Nueva Vizcaya, nakumpleto na ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang pamamahagi ng agricultural inputs bilang bahagi ng maagang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa limang lalawigan ng Lambak ng Cagayan, kabilang ang Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya.

Nagsilbing huling yugto ng naturang distribusyon ang isinagawang aktibidad sa probinsya ng Cagayan ngayong araw, Oktubre 28, 2026, sa DA Southern Cagayan Research Center Cagayan Breeding Station (DA SCRC CBS) Annex sa Solana, Cagayan.

Dumalo sa aktibidad ang mahigit 100 kalahok mula sa 21 munisipalidad na saklaw ng Districts 1 hanggang 3 ng Cagayan. Kabilang sa mga dumalo ang mga kinatawan ng Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), Local Government Units (LGUs), Agricultural Extension Workers (AEWs), mga magsasaka, at mga Municipal Agriculturist mula sa iba’t ibang munisipalidad ng lalawigan.

Sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP), nagkakahalaga ng P1,564,824 ang mga ipinamahaging Assorted Vegetable Seeds at Organic Fertilizer. Samantala, umabot sa P924,107,350 ang halaga ng mga agricultural inputs para sa Rice Program, na kinabibilangan ng Hybrid Seeds, Wettable Powder, at Bottle Liquid Concentrate. Para naman sa Corn Program, nagkakahalaga ng P57,639,384 ang Hybrid Yellow Corn Seeds at Bio Fertilizer. Sa kabuuan, umabot sa P983,311,558 ang halaga ng mga agricultural inputs na ipinamahagi sa ilalim ng mga nasabing banner programs ng DA RFO 02.

Para sa mga vegetable growers sa 21 munisipalidad ng Cagayan, kabuuang 242.47 kilograms ng Assorted Vegetable Seeds ang naipamahagi. Samantala, dalawang Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) ang nakatanggap ng tig 50 bags ng NPK at Calcium Nitrate bilang bahagi ng Mango Fertilization for El Niño.

Sa pamamagitan naman ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP) 2026 General Appropriations Act (GAA), nakalaan para sa mga kwalipikadong rice farmers sa buong lalawigan ng Cagayan ngayong Dry Season 2026 hanggang 2027 ang 113,291 bags ng Hybrid Seeds na may timbang na 15 kilograms bawat bag, 421,329 packs ng Wettable Powder na may timbang na 1 kilogram bawat pack, at 216,138 bottles ng Liquid Concentrate na may lamang 1 liter bawat bote.

Bukod sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño, inaasahang makatutulong din ang mga agricultural inputs sa mga corn farmers na naapektuhan ng mga tropical cyclone na sina Crising, Dante, Emong, Isang, Mirasol, Nando, Opong, Paolo, at Ramil, gayundin ng Southwest Monsoon, upang maipagpatuloy at mapanumbalik ang kanilang produksyon.

Sa pagkumpleto ng pamamahagi ng agricultural inputs, muling pinagtitibay ng DA RFO 02 ang pangako nitong suportahan ang mga magsasaka sa pagharap sa mga hamon ng pabago bagong kondisyon ng klima at mga kalamidad.

Sa pamamagitan ng maagap na paghahatid ng mga kinakailangang agricultural inputs, layunin nitong makatulong sa pagpapanatili ng mataas na produkto sa sakahan, pagpapalakas ng katatagan ng sektor ng agrikultura, at pagsusulong ng food security sa Lambak ng Cagayan.

Istorya mula kay Castle Castillo