Mas mapalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang pagsusuri sa kalidad ng lupa at paggawa ng biofertilizer matapos ilipat ng Department of Agriculture–Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ang laboratory equipment na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱2 milyon sa OPA Biolaboratory noong Oktubre 28, 2026.

Dating ginagamit ang mga kagamitan sa Ilagan Soil Laboratory sa Lungsod ng Ilagan, Isabela, na tumigil na sa operasyon matapos isentralisa ng DA RFO 02 ang mga serbisyo nito sa pagsusuri ng lupa sa Regional Soil Laboratory sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan. Sa halip na manatiling hindi nagagamit, inilipat ang mga ito sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Biolaboratory sa Capitol Compound, Alibagu, Lungsod ng Ilagan, upang patuloy na mapakinabangan ng mga magsasaka sa Isabela.

Bahagi ang mga kagamitan ng proyektong OPA Biolaboratory: Biofertilizer Production and Quality Assurance, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng probinsiya sa paggawa at pagsusuri ng kalidad ng biofertilizer.

Gagamitin ang mga kagamitan sa pagsusuri ng sustansiya ng lupa at pagtiyak sa kalidad ng biofertilizer. Sa pamamagitan ng soil analysis, magkakaroon ang mga magsasaka ng batayan sa pagtukoy ng pangangailangan ng kanilang lupa at pagpili ng angkop na pamamahala ng sustansiya para sa kanilang mga pananim.

Pinangunahan ni DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino ang turnover, habang tinanggap naman ang mga kagamitan ni Provincial Agriculturist Sergio St. Galamgam at Atty. Elizabeth C. Binag, Head of Executive Assistant/Provincial Information Officer, sa ngalan ni Isabela Governor Rodito T. Albano III at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.

Nasaksihan din ang aktibidad ni Regional Technical Director for Research and Regulations Kay Olivas, kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang tanggapan ng Provincial Government of Isabela.

via Aza-zel T. Erro