Sa kabila ng nararanasang El Niño, patuloy na isinusulong ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), sa pamamagitan ng Livestock Program, ang Philippine Native Animal Development (PNAD) Program bilang alternatibong pangkabuhayan ng mga magsasaka upang magkaroon sila ng dagdag na pagkakakitaan at hindi lamang umasa sa pagtatanim ng mga pananim (crops).
Sa talakayan ng Usapang Agrikultura: Directors Hour noong Oktubre 26, 2026, binigyang-diin ng mga kawani ng DA RFO 02 ang kahalagahan ng programa sa konserbasyon at napapanatiling paggamit ng mga native livestock, kabilang ang pagpapalakas ng produksyon ng native chicken sa Rehiyon Dos, at sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain sa Lambak ng Cagayan.
Matatandaang noong 2021, itinalaga ang Department of Agriculture-Isabela Experiment Station (DA-IES) bilang PNAD Center sa buong Rehiyon Dos. Sa parehong taon, nagkaroon ang istasyon ng initial stock na 100 heads para sa breeders. Noong 2022, nagsimula ang produksyon at umabot sa 200 heads ang bilang ng mga chicken breeder. Pagsapit ng 2023 hanggang 2024, nadagdagan pa ng 200 heads ang bilang ng mga breeder chicken, kaya umabot sa kabuuang 400 breeder chicken ang istasyon.
Para sa distribusyon, ang mga Farmers Cooperative and Associations (FCAs) ay nakatatanggap ng 50-100 heads bawat FCA. Samantala, ang mga indibidwal na magsasaka ay nakatatanggap ng 10:1 ratio, o 10 female at 1 male. Sa kasalukuyan, mula sa 400 breeders, nakapag-produce na ang istasyon ng 17,000 native chicken para sa mga Farmers Cooperative and Associations (FCAs) at mga magsasakang indibidwal. Sa kabuuang bilang na ito, 14,000 ang naipamahagi sa mga magsasaka sa buong rehiyon, na umabot sa 153 ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, kabilang ang mga FCAs at individual beneficiaries.
Pinakamarami sa mga benepisyaryo ay mula sa Isabela na may 128, sinundan ng Cagayan na may 10, Nueva Vizcaya na may 10, at Quirino na may 5. Kabilang sa mga breed na kasalukuyang pinaparami ng istasyon ang Native Coastal and Mainland breed, Parawakan breed, Black Australorp chicken breed, Banaba chicken, at Joloano chicken breed.
Upang higit pang mapanatili at mapabuti ang pag-aalaga, ibinahagi rin ang iba’t ibang teknolohiyang ipinapatupad ng DA RFO 02, kabilang ang Carbonized Rice Hull (CRH), Indigenous Microorganisms (IMO), at Housing.
Bukod sa pagpaparami ng native livestock, isinusulong din ng kagawaran ang backyard egg multiplier farm upang mapalakas ang produksyon ng itlog mula sa free-range chicken, native chicken, at improved breed of a native chicken. Layunin nitong itaguyod ang itlog bilang food enterprise at gamitin ito upang makapagparami pa ng manok (egg as food enterprise and egg to produce more chicken).
Samantala, pinaaalalahanan ang lahat ng mga benepisyaryo ng programa na alamin ang mga umiiral na city/local ordinances sa kani-kanilang barangay o LGUs upang maiwasan ang anumang posibleng problema sa pag-aalaga ng mga hayop.
Istorya mula kay Castle Castillo
