Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapasinaya sa Pamplona Solar Pump Irrigation Project (SPIP) ngayong Oktubre 26, 2026, na magbibigay ng mas maaasahang suplay ng tubig para sa irigasyon at susuporta sa produksyon ng agrikultura para sa 307 magsasaka sa limang (5) barangay na kinabibilangan ng Gattu, Capallalian, San Juan, Allasitan, at Cassitan sa bayan ng Pamplona, Cagayan.
Ipinatupad ng National Irrigation Administration (NIA), sa pamamagitan ng East Apayao-Abulug Irrigation System, ang proyekto na binubuo ng tatlong (3) 50-horsepower solar-powered submersible pump na pinatatakbo ng 384 solar panel. Sumasaklaw ito sa kabuuang 602.62 ektarya ng lupang sakahan. Sa pamamagitan ng mas maaasahang akses sa tubig para sa kanilang mga pananim, lalo na sa pabago-bagong panahon tulad na rin ng inaasahang banta ng El Niño o tagtuyot.
Ang paggamit ng solar energy ay isa sa mga isinusulong ng kasalukuyang administrasyong PBBM katuwang ang ahensya ng NIA at DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang gawing moderno ang pagsasaka upang mapataas ang ani at kita ng magsasaka, at sa pamamagitan nito ay aasahang makapagpapababa sa gastusin sa operasyon at makapagsusulong ng mas episyenteng sistema ng irigasyon sa mga sakahan.
“Patuloy na ang pagtayo ng mga solar-powered irrigation system upang pagandahin at matulungan ang buhay ng ating mga magsasaka upang mas maging handa sa pabago-bago ng panahon,” ayon sa pangulo.
Istorya mula kay Julian Florague
