Sa layuning isulong na paunlarin ang konserbasyon ng mga katutubong hayop at palakasin ang rural enterprise development sa Cagayan Valley, ang Philippine Native Animal Development (PNAD) Program ng Department of Agriculture-Regional Field Office 02 (DA RFO 02), sa pamamagitan ng DA-Isabela Experiment Station (DA-IES), mayroong mga magsasaka sa bayan ng Angadanan, Isabela ang nabigyan ng mga aalagaing native chickens, na ngayon ay kumikitang kabuhayan para sa pamilyang umaasa sa agrikultura.  Bukod sa potensiyal na dagdag-kita, nagsisilbi ring murang mapagkukunan ng protina ang mga ito para sa mga pamilya, na makatutulong sa pagtugon sa malnutrisyon ng komunidad.

Sa pangunguna ng mga eksperto ng DA-IES, isinasagawa ang performance testing, selective breeding, at purification upang mapabuti ang kalidad ng mga katutubong hayop. Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, layunin ng programa na palakasin ang produksyon at pangalagaan ang mahahalagang katangiang taglay ng mga native livestock.

Sa likod ng programang ito ay ang mga magsasakang unti-unting nagtatayo ng mas matatag na kabuhayan, mga organisasyong nagsisikap na palawakin ang oportunidad para sa kanilang mga miyembro, at mga kabataang nakikitang may kinabukasan sa agrikultura.

Para kay Valdez Integrated Farm Organic Practitioner Association President na si Ginang Hermelita Valdez, mahalaga ang oportunidad kapag naibabahagi ito sa mas maraming miyembro.

Sa kanyang natanggap na 200-heads chicken mula sa ahensya nakaraang taon, binahagian niya umano ang kanyang sampu (10) miyembro sa asosasyon ng tig-sasampung manok para alagaan at paramihin pa ito upang gawing kabuhayan. Sa natirang isang-daan na manok, napalago niya ito ng nasa mahigit na 150 heads. Nagpaabot din ng pasasalamat ang ginang sa direktor ng DA Region 02 sa pag-engganyo nito sa grupo ng mga kababaihan na mag-alaga ng manok bilang mainam na kabuhayan.

“Ang source of income namin at ang food na kinakain namin ay nag-aalaga na kami ng manok. Ang manok ay mula noon hanggang ngayon, dahil free range chicken, ay kumakain lang sa labas… Sa itlog lang, marami kaming nakukuhang itlog.”

Dagdag niya: “Nagpapasalamat ako sa Regional Director Rose Mary Aquino, noong business forum sa DA, siya mismo ang nagpupursige sa mga kababaihan na mag-alaga ng mga manok. Yun ang magaan na trabaho ng kababaihan na hindi kailangang pumunta sa bukid kundi kahit hanggang diyan lang sa backyard [ay pupuwede na].”

Samantala, si Christian Dorotan, isang Kabataan na maaaring katuwang sa pagpapatuloy ng mga gawaing pang-agrikultura at pangangalaga sa katutubong lahi ng mga hayop. Ang 23-taong gulang na binata ay bahagi rin ng Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) ng DA-Agricultural Training Institute (ATI), na siya namang isa sa mga student-interns sa Valdez Integrated Farm at magtatapos nitong darating na Disyembre taong 2026.

Dahil sa pagkahilig nito sa agrikultura, naparami niya ang ibinigay ni Gng. Valdez mula sa 10 manok ay lumago na ito sa mahigit apatnapu. Kumikita na siya ngayon sa pagbebenta ng karne ng manok at itlog sa kanilang komunidad.

“Yung sampu po na manok na ibinigay sa akin noon ng DA ay naging 40 plus na mahigit. Napadami ko siya at napalaki nang maayos. Minsan, may mga bumubili ng mga itlog, pero mas marami talaga ang bumibili ng live chicken.”

Ayon pa sa kanya, nagsisimula na siyang gumawa ng “DIY o Do it yourself” egg incubator, sa pagnanais nitong mapabilis ang pagpaparami ng kanyang mga manok.

Sa tulong ng mga programang tulad ng PNAD, maaaring mahikayat ang mga kabataang tulad ni Christian na makibahagi sa pagpapaunlad ng sektor ng paghahayupan at maging bahagi ng susunod na henerasyon ng mga agricultural entrepreneur.

Para naman sa isang farmer-member ng asosasyon tulad ni Gng. Mylene Barberona, ang pagkakataong magkaroon ng access sa mga native livestock at technical support ay maaaring maging mahalagang hakbang tungo sa mas maayos na kabuhayan.

“Sa sampu na ibinigay [manok], 100 na po. Sa isang chicken ‘pag malaki, mahigit dalawang-kilo ang isa, kulang-kulang 500 ang isa. Kaya malaking tulong po sa amin yun…Yung pinagbebentahan namin ibinibigay naming allowance sa estudyante namin. Dun kami kumuha sa allowance nila. Kaya, ipagpapatuloy naming palaguin ang ibinigay na manukan para mas marami pang matulungan na gaya namin.

Kapag napalago po itong manukan ko, pwede naman akong magshare para mayroon din akong matulungan sa kapwa ko sa association. Desidido naman akong magbigay po.”

Magkakaiba man ang kanilang mga papel bilang kinatawan ng asosasyon, kabataan, at indibidwal na magsasaka, iisa ang kanilang kinabibilangang layunin: ang magkaroon ng mas matatag na kabuhayan at makibahagi sa pagpapaunlad ng sektor ng paghahayupan.

Sa huli, ang tunay na tagumpay ng programa ay makikita hindi lamang sa pagpapabuti ng lahi ng mga hayop kundi sa mga magsasakang nagkakaroon ng bagong kaalaman, mga asosasyong nagiging katuwang sa pagpapaunlad ng komunidad, at mga kabataang nakakakita ng oportunidad sa agrikultura.

 

Istorya mula kay Mr. Julian Florague