Patuloy na tinututukan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 ang pamamahagi ng binhi (seed distribution) sa iba’t ibang munisipalidad sa Lambak ng Cagayan upang matiyak na maipamahagi ang mga ito sa mga magsasaka sa nakatakdang pagtatanim.
Sa isinagawang talakayan ng mga kawani ng DA RFO 02 hinggil sa estado ng pamamahagi ng binhi noong Oktubre 12, 2026, sa programang Usapang Agrikultura: Directors Hour, ibinahagi ng mga Municipal Agriculturist ng Cauayan City, Isabela, at Solana, Cagayan, ang kanilang mga good practices upang mapabilis ang pamamahagi ng binhi at matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka sa kani-kanilang nasasakupan.
Bilang isa sa mga lugar na may malaking produksyon ng palay sa lalawigan ng Isabela, sinimulan na ng Cauayan City ang pamamahagi ng binhi sa ilang rice farmers na nakapag-ani na at nakapaghanda na ng kanilang mga punlaan.
Ayon kay Engr. Ricardo Alonzo, Municipal Agriculturist ng Cauayan City, Isabela, nakatakda ang opisyal na distribusyon ng hybrid rice seeds noong Oktubre 14, 2026. Gayunman, hindi na hinintay ng lokal na pamahalaan ang mismong petsa upang matulungan ang mga magsasakang handa nang magtanim. Sa ganitong paraan, naiiwasan ang pagkaantala sa paghahanda ng mga pananim.
Bukod sa pamamahagi ng binhi, mayroon ding programa ang lokal na pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng El Niño. Kabilang dito ang pagbili ng drilling machine na makatutulong sa mga magsasaka, lalo na sa mga nasa tail end o pinakadulong bahagi ng irrigation canal, na magkaroon ng karagdagang mapagkukunan ng tubig para sa irigasyon.
Samantala, iniulat ni Engr. Monico Castro, Municipal Agriculturist ng Solana, Cagayan, na umabot na sa 92% ang distribution rate ng binhi sa kanilang bayan. Sa loob lamang ng apat na araw mula nang simulan ang distribusyon noong Oktubre 5, naabot na nila ang nasabing porsiyento, nang hindi na kinakailangang hintayin ang isang linggo para sa pamamahagi.
Maagang inaayos at kinukumpleto ng nasabing bayan ang masterlist ng mga benepisyaryo. Gayundin ang geotagging ng mga lupang taniman ng mais kaya mas napaghahandaan ang pamamahagi ng binhi para sa mga rice at corn farmers. Bago pa man magsimula ang distribusyon, nagsasagawa na ang mga technical staff ng caravan sa iba’t ibang barangay, para sa kinakailangang update ng kanilang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Nagsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng soil sampling upang matukoy ang fertilizer requirement ng mga pananim. Kasabay nito ang paunang konsultasyon para sa mga corn farmers upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan bago ang pagtatanim. Upang maiwasan ang pagsisiksikan at mahabang paghihintay sa mga distribution site, nagbibigay ang lokal na pamahalaan ng claim stub sa mga magsasaka. Nakasaad dito ang kanilang iskedyul ng pagkuha ng binhi. Inaayos din ang mga magsasaka ayon sa kanilang mga cluster sa bawat barangay upang mas maging organisado ang pamamahagi.
Sa tulong ng truck na ipinagkaloob ng DA RFO 02 sa munisipalidad, naisasagawa ang mobilisasyon ng mga cluster member at Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) sa pagpapabilis ng pagkuha ng kanilang mga binhi. Higit pa rito, ipinakita ng Solana ang diwa ng bayanihan, kung saan maging ang mga pribadong indibidwal ay nakikiisa sa paghahatid ng mga binhi sa mga magsasaka.
Sa pamamagitan ng maagang pagpaplano, maayos na koordinasyon, at aktibong pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan at komunidad, patuloy na isinusulong ng DA RFO 02 ang napapanahong pamamahagi ng binhi upang matulungan ang mga magsasaka na makapaghanda sa pagtatanim, mabawasan ang posibleng dagdag na gastos, at mapanatili ang tuloy-tuloy na produksyon ng palay at mais sa Lambak ng Cagayan.
Istorya mula kay Castle Castillo
