Isinusulong ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), sa pamamagitan ng High-Value Export Crops and Agri-Fishery Export Development and Promotion Program, ang pagpapaunlad ng okra production sa Roxas, Isabela sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga kinakailangang suporta at paghahanda ng mga magsasaka upang matugunan ang mga pamantayan ng potensyal na export market.
Katuwang ng DA RFO 02 sa inisyatibang ito ang Pamahalaang Bayan ng Roxas, sa pangunguna ni Mayor Benedict Calderon, sa pagsusulong ng mga hakbang upang mapaunlad ang produksyon ng okra at mapalawak ang oportunidad sa merkado para sa mga lokal na magsasaka.
Bahagi nito ang isinagawang konsultasyon na nilahukan ng 30 magsasaka mula sa Bayan ng Roxas Entrepreneurship Assistance Development Cooperative, Simimbaan Farmers Association, at Kabigaan SWIP Farmers Association. Bagama’t palay, mais, at tabako ang pangunahing pananim ng mga kalahok, binigyang-pansin ang potensyal ng okra bilang karagdagang produktong maaaring palaguin upang mapalawak ang kanilang pinagkukunan ng kita at merkado.
Bilang paghahanda, magsasagawa ng Good Agricultural Practices (GAP) training upang palakasin ang kaalaman ng mga magsasaka sa ligtas at wastong produksyon, pangangalaga sa pananim, at pagpapanatili ng kalidad ng produkto bilang paghahanda sa pagkuha ng GAP certification. Tinalakay rin ang pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at Civil Society Organization (CSO) accreditation para sa mga kwalipikadong organisasyon.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layunin ng DA RFO 02 na matukoy ang angkop na suporta upang mapahusay ang produksyon, mapalakas ang market linkage, at maihanda ang mga magsasaka sa mga pamantayan ng potensyal na export market.
Istorya mula kay Engr. Ezra Jasmine P. Maramag
