Bilang isang accredited testing center, sinimulan ng Southern Cagayan Agricultural and Biosystems Power and Machinery Testing Center (SCABPMTC) ang pagsasagawa ng Field Performance Testing sa apat (4) units rice thresher ng ACT (Machineries and Metal Craft) Corporation mula sa Cauayan City, Isabela. Ito ang unang kliyente ng pasilidad ngayong taong 2026.
Matapos igawad ang Certificate of Accreditation sa SCABPMTC bilang testing center mula sa DA-BAFE noong April 21, 2026, ay pormal na inulunsad ng DA Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), ang kauna-unahang machinery testing center sa buong Cagayan Valley Region at Northern Luzon na matatagpuan sa DA-Southern Cagayan Research Center (SCRC), Iguig, Cagayan.
Sa tulong ng DA-Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) at UPLB-Agricultural Machinery Testing and Evaluation Center (AMTEC), dumaan sa mahigpit na site inspection at compliance audits ang pasilidad upang matiyak na ang bawat pagsusuri ay tumutugon sa pinakamataas na pamantayan ng Philippine National Standards at Philippine Agricultural and Biosystems Engineering Standards (PNS-PABES).
Ayon sa datos, umaabot sa 230 ang bilang ng rehistradong Manufacturers, Fabricators, Assemblers, Distributors, Dealers, Importers, at Exporters (MFADDIE) sa mga probinsya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino. Kaya naman, kritikal ang pangangailangan sa isang accredited testing center tulad ng SCABMPTC sa rehiyon upang masiguro na ang bawat makina ay ligtas, subok na, at handang gamitin sa bukid.
Ang pagsisimula ng operasyon ng pasilidad na ito ay isang mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng technical service ng ahensya, na naglalayong makatulong sa pagpapabuti ng makinaryang pang-agrikultura upang matiyak ang kalidad, kaligtasan, at episyenteng paggamit ng mga farm machineries sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng machinery testing sa rehiyon, higit na napalalakas ang kakayahan ng ahensya na suportahan ang pagsusuri sa mga kagamitang pang-agrikultura at isulong ang paggamit ng mga makinaryang angkop sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Istorya mula kay Julian Florague
