Nakamit ng apat na rice cooperatives sa Region 02 ang Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) Certification, na nagpapakita ng kanilang pagsunod sa mga pamantayan para sa ligtas, de-kalidad, at responsableng produksyon ng palay.

Sa pangunguna ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02), isinailalim sa mga pagsasanay, technical assistance, at field evaluation ang mga kalahok na rice clusters upang matiyak ang wastong pagpapatupad ng PhilGAP standards sa kanilang mga sakahan.

Nasa kabuuang 365.64 ektarya na binubuo ng apat na rice clusters ang matagumpay na nakamit ang certification, kung saan nakinabang ang 138 certified farmers. Kabilang dito ang Cagayan Seed Producers MPC, MarDag Ricebis Agriculture Cooperative, St. Vincent Parish MPC, at Kabisig Savings and Agri-Development Cooperative.

Samantala, sumasailalim sa final evaluation para sa PhilGAP certification ang Baru a Langa ti Mannalon Agriculture Cooperative at Santiago Amos Credit and Development Cooperative.

Saklaw ng PhilGAP standards ang food safety, pangangalaga sa kapaligiran, wastong paggamit ng farm inputs, at kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa sa bukid. Sa pagkamit ng certification, naipakikita ng mga kooperatiba ang kanilang pagsunod sa mga pamantayang nagtataguyod ng mas ligtas at responsableng produksyon.

Patuloy namang nagbibigay ang DA-RFO 02 ng technical assistance at capacity-building sa mga rice clusters at farmer cooperatives upang mas marami pang magsasaka sa rehiyon ang maabot ng PhilGAP at iba pang quality assurance initiatives.

Istorya mula kay Ms. Barby Balcita