Namahagi ang Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ng mga tulong pang-agrikultura na nagkakahalaga ng P103,497,812 sa pamamagitan ng Massive Agri-Inputs Distribution Caravan for El Niño Preparedness sa lalawigan ng Quirino noong Oktubre 14, 2026, upang matulungan ang mga magsasaka na mapaghandaan ang inaasahang epekto ng El Niño sa produksyon ng agrikultura.
Nagmula ang mga ipinamahaging tulong sa DA Regular Program Fund, Seed Reserve Fund, at Quick Response Fund (QRF), na naglalayong masuportahan ang pagpapatuloy ng produksyon sa kabila ng posibleng kakulangan sa tubig at pagbaba ng ani dulot ng El Niño.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang mga binhi, abono, punla, at iba pang agricultural inputs sa ilalim ng Corn, Rice, High Value Crops Development Program (HVCDP), Livestock, at Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program para sa mga magsasaka ng Nagtipunan, Maddela, Aglipay, Cabarroguis, Saguday, at Diffun.

Pinakamalaki sa mga naipamahaging tulong ang nasa ilalim ng Rice Program na nagkakahalaga ng P70,011,700, na sinundan ng Corn Program na may halagang P25,617,912 para sa mga binhi at abono na ipagkakaloob sa mga benepisyaryong magsasaka.
Samantala, nagkaloob din ang High Value Crops Development Program ng mga mungbean seed, assorted vegetable seeds, at ube seedlings na nagkakahalaga ng P7,097,200 upang masuportahan ang produksyon ng mga high-value crops at mapalawak ang mga mapagkakakitaang pananim ng mga magsasaka.
Sa ilalim naman ng Livestock Program, namahagi ang ahensya ng ready-to-lay chickens na nagkakahalaga ng P246,000. Nagkaloob din ang DA- SAAD ng tulong na nagkakahalaga ng P525,000, kabilang ang 35 upgraded goats na ipinamahagi sa Cardenas Multi-Purpose Farmers Association.

Pinangunahan nina Regional Technical Director for Research and Regulations at Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Focal Person Ms. Kay S. Olivas at Quirino Governor Julius Caesar S. Vaquilar ang nasabing distribusyon, na bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng DA at ng pamahalaang panlalawigan upang mapalakas ang kahandaan ng sektor ng agrikultura sa mga hamong dulot ng pagbabago ng klima.
Sa pamamagitan ng mga naturang interbensiyon, inaasahang mapalalakas ang kakayahan ng mga magsasaka na makapaghanda sa epekto ng tagtuyot, mapanatili ang kanilang kabuhayan, at makatulong sa pagpapatuloy ng sapat at matatag na suplay ng pagkain sa rehiyon.
Istorya mula kay Mr. Julian Florague
