Pinaigting ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), sa pamamagitan ng High-Value Export Crops and Agri-Fishery Export Development and Promotion Program, ang paghahanda sa mga dragon fruit farmer para sa potensyal na pagpasok sa export market sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Focus Group Discussion (FGD) noong Oktubre 13, 2026. Ayon sa paunang datos ng DA at LGU, nangunguna sa taniman ng dragon fruit ang Alfonso Castañeda na may 149 ektarya, kasunod ang Kasibu na may 77.10 ektarya.
Mahigit 30 dragon fruit farmer ang lumahok sa talakayan upang matukoy ang kasalukuyang kalagayan ng industriya, mga hamon sa produksyon, mga plano sa pagpapalawak ng taniman, at mga oportunidad sa merkado. Bahagi ito ng paghahanda sa implementasyon ng Department Order No. 12, Series of 2026, na nagtatatag sa High-Value Export Crops and Agri-Fishery Export Development and Promotion Program Management Office (HVEC AFEDP-PMO) sa Department of Agriculture.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang na tinalakay ang pag-oorganisa ng mga dragon fruit farmer association, pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), pagkuha ng Good Agricultural Practices (GAP) certification, at pagproseso ng Civil Society Organization (CSO) accreditation. Layunin ng mga hakbang na ito na palakasin ang organisasyon ng mga magsasaka at ihanda sila sa mga pamantayan at kinakailangan ng mas malawak na merkado.
Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, layunin ng DA RFO 02 na matukoy ang angkop na interbensiyon at suporta upang mapahusay ang kalidad ng produkto, mapalakas ang market linkage, at maihanda ang mga lokal na dragon fruit farmer sa mga oportunidad sa export. Patuloy na isinusulong ng Kagawaran ang pagpapaunlad ng mga high-value crop sa Region II tungo sa mas malawak na oportunidad sa kabuhayan at kalakalan.
