Pinangunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Mallig, Isabela, ang pagpapatupad ng 1,000-ektaryang Sustainable Rice Farming Model Farm sa mga barangay ng Casili, Maligaya, at Victoria sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP).
Layunin ng proyekto na mapataas ang ani, mapababa ang production costs, at mapalakas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at science-based farming practices. Kabilang sa mga pangunahing intervention ang paggamit ng isang hybrid rice variety bawat cluster at adaptive Balanced Fertilization Strategy, na sinusuportahan ng soil laboratory analysis, controlled irrigation, crop protection technologies, at agricultural drones para sa direct seeding at paglalagay ng pataba.
Bilang bahagi ng organisadong pagpapatupad, nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DA-RFO 02, LGU Mallig, Irrigators Associations, at mga benepisyaryong magsasaka. Isinagawa rin ang pamamahagi ng agricultural inputs at technical briefings upang matiyak ang wastong paggamit ng mga teknolohiya sa buong model farm.
Nakita ang resulta ng mga intervention sa mga naitalang ani. Nakapagtala ang model farm ng mahigit 5.5 MT/ha noong 2026 Dry Season at halos 4.9 MT/ha noong wet season. Sa mga pilot clusters sa Isabela, umabot naman sa 7.75 MT/ha ang average yield mula sa baseline na 5.52 MT/ha.
Hindi lamang produksyon ang binigyang-diin ng proyekto. Naging mahalagang katuwang ang Mallig FST Cooperative sa direktang pagbili at pag-market ng ani sa ilalim ng guaranteed floor price at shared prosperity system, na nagbigay sa mga magsasaka ng mas organisadong access sa merkado.
Sa pamamagitan ng pagsasama ng hybrid rice technology, adaptive balanced fertilization, makabagong farm technologies, organisadong clustering, at market access, nagsisilbing modelo ang 1,000-ektaryang Sustainable Rice Farming Model Farm sa Mallig para sa mas produktibo, episyente, at sustenableng produksyon ng palay sa Cagayan Valley.
Istorya mula kay Ms. Barby Balcita
