Nagtala ng P176.2 milyon sa kabuuang benta ng milled rice ang 17 rice cluster cooperatives sa Region 02 sa ilalim ng SAGIPSAKA Program at Local Government Support Fund (LGSF), matapos maibenta ang kanilang produkto sa mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang lokal na institusyon.

Umabot sa 3,683,248 kilo ng milled rice ang naibenta ng mga kalahok na kooperatiba, na nagresulta sa P176,236,791.72 na kabuuang sales at nagbigay ng karagdagang pagkakataon sa mga lokal na rice producers na maipasok ang kanilang produkto sa institutional market.

Kabilang sa mga kalahok ang Cagayan Seed Producers MPC, Claveria Farmers MPC, Diffun Saranay Development Cooperative, Good Samaritan MPC, Magapuy MPC, Mallig FST MPC, Masisit-Dacal Livelihood Cooperative, St. Jerome Parish MPC, Solana North Agriculture Cooperative, St. Vincent Parish MPC, Holy Spirit MPC, Oshwind MPC, Nararagan Valley MPC, Solana West Farmers Cooperative, SADIRI MPC, MASA MPC, at Mauanan Baluncunag Farmers Irrigators Credit Cooperative.

Sa ilalim ng procurement mechanism ng SAGIPSAKA, nababawasan ang pagdaan ng produkto sa maraming antas ng trading at napapalakas ang ugnayan ng mga organisadong rice clusters at kooperatiba sa mga institutional buyers. Nakatutulong ito upang mapalawak ang merkado ng mga kooperatiba at mapalakas ang kanilang kapital para sa pagpapatuloy ng kanilang mga operasyon.

Bukod sa pagbibigay ng merkado para sa lokal na bigas, nakatutulong din ang programa sa pagtatatag ng emergency grain reserves, na mahalaga sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng bigas sa panahon ng pangangailangan.

Sa pamamagitan ng SAGIPSAKA, patuloy na napapalakas ang papel ng mga rice cluster cooperatives sa buong value chain mula sa produksyon at pagproseso hanggang sa pagma-market habang binubuksan ang mas maraming oportunidad para sa paglago ng lokal na industriya ng palay at bigas.

Istorya mula kay Ms. Barby Balcita