Upang mapalawak ang merkado para sa mga lokal na magsasaka at mabigyan ang mga mamimili ng access sa sariwa, lokal, at de-kalidad na mga produktong agrikultural, nakibahagi ang DA RFO 02 sa Regional Statistics Committee Region 2 Serbisyo Caravan: “Bridging Data, Services and Government Closer to the People,” na isinagawa noong Oktubre 2, 2026 sa Francisco L. Dy Memorial Coliseum, Cauayan City, Isabela.
Ginanap ang Serbisyo Caravan kasabay ng 37th National Statistics Month Regional Opening Ceremony, na nagbigay-daan upang mailapit sa publiko ang iba’t ibang serbisyo, programa, at produkto mula sa mga ahensya ng pamahalaan at agricultural stakeholders.
Sa pangunguna ng Kadiwa ng Pangulo sa ilalim ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), itinampok at ipinagbili ang iba’t ibang sariwang gulay, prutas, at iba pang lokal na produktong agrikultural na nagmula sa mga magsasaka at agricultural stakeholders.
Bukod sa sariwang ani, tampok din ang iba’t ibang agricultural by-products at value-added products, kabilang ang mga inumin, suka, wine, crackers, chips, desserts, at iba pang produktong gawa at pinroseso mula sa lokal na ani.
Sa pamamagitan nito, nabigyan ang mga magsasaka at agricultural stakeholders ng pagkakataong maipakilala at maibenta ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado, habang nabigyan naman ang mga mamimili ng mas maraming pagpipiliang lokal na produkto.
Kasama rin sa Serbisyo Caravan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), Philippine National Police (PNP), at mga local government unit, na naghatid ng kani-kanilang serbisyo at programa sa mga dumalo.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng temang “Tuklas Pinas: Statistics as Beacon Towards Inclusive, Resilient, and Sustainable Tourism,” na pinangunahan ng Philippine Statistics Authority Regional Statistical Services Office II (PSA RSSO II).
Kwento mula kay Pauline Joy Lago.
