Mula Cagayan Valley, ang Zero Energy Cooling Chamber (ZECC) technology ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) ay maaari nang gamitin sa mga rehiyon sa buong bansa upang makatulong na mapahaba ang buhay ng mga gulay at mabawasan ang pagkasira ng ani.
Inilipat ng Department of Agriculture–Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) at DA RFO 02 ang teknolohiya sa (16) DA Regional Field Offices sa isinagawang National Agriculture and Fisheries Technology Exhibition (NAFTE) sa Legazpi City, Albay noong Oktubre 2, 2026.
Pinangunahan ng DA RFO 02- Cagayan Valley Research Center (CVRC) ang pagbuo ng ZECC bilang tugon sa karaniwang problema ng mga magsasaka: ang mabilis na pagkasira ng kanilang ani matapos itong maani.
Hindi tulad ng karaniwang cold storage na nangangailangan ng kuryente, gumagamit ang ZECC ng charcoal at tubig upang natural na mapalamig ang loob ng storage chamber. Sa prosesong ito, maaaring bumaba nang 5 hanggang 10°C ang temperatura at mapanatili ang singaw na nasa 85% hanggang 90%.
Dahil dito, mas tumatagal ang mga gulay bago masira. Batay sa resulta ng pag-aaral, nakatutulong ang ZECC na mapahaba ang buhay ng mga produktong madaling masira, depende sa uri ng ani at kondisyon ng imbakan.
May pakinabang din ito sa kita ng magsasaka. Sa resulta ng pag-aaral, umabot sa 71% hanggang 83% ang tinatayang balik sa puhunan para sa kamatis, habang nasa 32% hanggang 35% naman para sa talong. Bukod sa kamatis at talong, maaari rin itong gamitin sa iba pang prutas at gulay tulad ng leafy vegetables at mangga.
BALANCED FERTILIZATION STRATEGY PARA SA MAS PRODUKTIBONG MANGGA
Samantala, inilipat din ng DA RFO 02 ang Package of Technology on Fertilizer and Pesticide Use Strategy Plus Rehabilitation/Rejuvenation Technology on Mango Productivity sa tatlong mango farmer cooperatives sa Region 02.
Kabilang dito ang Queen Isabela Mango Producers Cooperative sa Cauayan City, Isabela; Rizal Mango Growers Agriculture Cooperative sa Illuru Sur, Rizal, Cagayan; at Pangkabuhayang Kilusan ng mga Magsasaka ng Arwas sa Diadi, Nueva Vizcaya.
Bahagi ng teknolohiyang ito ang Balanced Fertilization Strategy (BFS), isang paraan ng mas maayos na paggamit ng pataba upang maibigay sa puno ng mangga ang tamang sustansiyang kailangan nito.
Sa BFS, pinagsasama ang organic at inorganic fertilizer. Hindi basta paramihan ng pataba ang pamamaraan. Tinitingnan muna kung anong nutrients ang kailangan ng lupa at ng puno ng mangga upang mas angkop ang uri at dami ng pataba na gagamitin.
Sa pamamagitan ng dalawang technology transfer, naipapakita ng DA RFO 02 ang resulta ng pananaliksik ng Cagayan Valley na maaari nang gamitin sa aktuwal na produksyon mula sa pagpapanatili ng ani pagkatapos anihin hanggang sa pagpapataas ng produksyon at kita.
Isinulat ni Aza-zel T. Erro
