Pinangunahan nina DA RFO 02 Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino at Cagayan Governor Edgar Aglipay ang pormal na paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at Usufruct Agreement para sa pagpapatayo ng Corn Post-Harvest Facility Phase I sa lalawigan ng Cagayan, na may halagang P250 milyon bilang initial tranche, kaninang umaga, Setyembre 29, 2026 sa Provincial Capitol of Cagayan.
Isinagawa ang paglagda sa pagitan ng ahensya, Provincial Government of Cagayan, Local Government Unit (LGU) of Gattaran, at Vitarich Corporation, bilang bahagi ng pagtutulungan upang palakasin ang post-harvest facilities at higit na mapaunlad ang corn value chain sa lalawigan.
Layunin ng proyekto na mapahusay ang post-harvest handling, storage, at iba pang kagamitan sa operasyon para sa mais, na inaasahang makatutulong sa pagpapataas ng kalidad at halaga ng ani ng mga magsasaka sa Cagayan.
Pangunahing magsisilbi ang pasilidad sa mga magsasaka ng mais mula sa Gattaran, Lal-lo, at Baggao, habang maaari ring mapagsilbihan ang mga kalapit na bayan sa lalawigan.
Samantala, tinatayang may kakayahan ang pasilidad na maproseso ang humigit-kumulang 18,576 metriko tonelada (MT) ng sariwang mais sa loob ng 60-araw na may harvesting period bawat cropping, depende sa aktuwal na operating conditions.
Hindi lamang drying facility ang itatayo, kundi isang integrated post-harvest at market-linkage intervention na naglalayong iugnay ang mga magsasaka sa mga institutional buyers.
Istorya mula kay Mr. Julian Florague
