Kinilala ang mga natatanging kabataang magsasaka, grupo, at katuwang na ahensya sa isinagawang Young Farmers Challenge (YFC) Season 6 Awards Ceremony na pinangunahan ng DA RFO 02 – Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa Robinsons Place Tuguegarao City, Setyembre 18, 2026.
Kabuuang 38 provincial awardees, pitong regional awardees, tatlong Upscale awardees, at isang intercollegiate awardee ang kinilala sa seremonya bilang pagkilala sa kanilang mga ambag at tagumpay sa larangan ng agrikultura at agribusiness.
Kasamang iginawad sa mga awardee ang kanilang karampatang cash grants upang magsilbing karagdagang puhunan sa pagpapalago at pagpapaunlad ng kanilang mga agribusiness ventures.
Kasabay nito, ginawaran din ng Certificates of Appreciation ang mga partner agencies bilang pagkilala sa kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa pagpapatupad ng YFC program sa rehiyon.
Dumalo sa seremonya sina DA RFO 02 Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino at Regional Technical Director for Operations and Extension Roberto Busania, kasama ang mga kawani ng Kagawaran ng Agrikultura, mga kinatawan mula sa partner agencies, mga awardee, at kanilang mga pamilya.
Layunin ng Young Farmers Challenge na mahikayat at masuportahan ang mga kabataang Pilipino na pasukin, paunlarin, at gawing mas sustainable ang agricultural entrepreneurship. Sa pamamagitan ng programa, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataang magsasaka na mapaunlad ang kanilang mga inisyatiba at gawing mas produktibo at napapanatiling kabuhayan ang agrikultura.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Aquino na hindi madaling piliin ang larangan ng agrikultura sapagkat nangangailangan ito ng pasensya, katatagan, at dedikasyon, lalo na sa pagbuo ng isang negosyo o proyekto na maaaring hindi agad magbunga.
“But our young farmers are showing us that agriculture can still be a meaningful and sustainable choice—one that can provide not only a livelihood, but also a future,” ani Aquino.
Sa pamamagitan ng pagkilala sa mga kabataang patuloy na nagsusulong ng agribusiness, muling binigyang-diin sa programa ang mahalagang papel ng kabataan sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at sa paghubog ng mas matatag at napapanatiling kinabukasan para sa industriya.
Istorya mula kay Pauline Joy Lago.
