Tampok ang mga makabagong teknolohiya at inobasyon sa agrikultura sa Grand Launching of the Southern Cagayan Agricultural and Biosystems Power and Machinery Testing Center (SCABPMTC) at CVAFRREDN Regional Technology Forum and Open House na ginanap noong Setyembre 21, 2026, sa DA-Southern Cagayan Research Center (DA-SCRC), Minanga Norte, Iguig, Cagayan.

Sa temang, “Pioneering Machinery Testing and Showcasing Balanced Fertilization for Climate-Resilient Agriculture in Northern Luzon,” binigyang-diin ng pagtitipon ang pagpapalawak ng access sa mga angkop na makinarya, mga bagong pamamaraan sa pamamahala ng sustansiya ng lupa, at iba pang inobasyong maaaring makatulong sa mga magsasaka sa pagharap sa mga hamon ng klima.

Pinangunahan ni Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino ang programa, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa national at lokal na pamahalaan, akademya, pribadong sektor, at iba pang bahagi ng agricultural community.

Nakiisa si Iguig Mayor Juditas L. Trinidad, habang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, sa pamumuno ni Governor Edgar B. Aglipay, ay kinatawan ni Provincial Agriculturist Dr. Pearlita Mabasa. Dumalo rin si Engr. Janice P. Vargas, Chief of the Standards Regulation and Enforcement Division (SRED) ng Department of Agriculture – Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (DA-BAFE).

Kinatawan din sa pagtitipon ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa pamumuno ni Dir. Dionisio G. Alvindia, at ang Agricultural Machinery Testing and Evaluation Center of the University of the Philippines Los Baños (AMTEC-UPLB) sa pamumuno ni Dir. Dr. Arthur L. Fajardo.

Isinagawa ang inagurasyon at ribbon-cutting ng SCABPMTC, kasunod ang paggawad ng Certificate of Accreditation sa testing center at seremonyal na paglagda sa Pledge of Commitment ng mga partner agencies.

Sa field tour at Open House, nasaksihan ng mga kalahok ang paggamit ng iba’t ibang kagamitan at pamamaraan na naglalayong gawing mas episyente ang mga operasyon sa bukid. Kabilang dito ang Drone Seeder, Drum Seeder, Walk-Behind Transplanter, Mobile Solar-Powered Irrigation System, at Biofertilizer Derby.

Itinampok din ang Science-Based Alternative Balanced Fertilization Strategy at nutrient management na nakabatay sa resulta ng soil laboratory analysis upang maitaguyod ang mas angkop at mahusay na paggamit ng mga input sa pagsasaka.

Bahagi rin ng programa ang paggawad ng DA RFO 02 Sustainability Award, pamamahagi ng mga matured technologies sa mga adopter, at paglulunsad ng compendium na “The Start of an Era: Technology Transfer of R4D-Based Agricultural Innovations, the DA RFO 2 Approach.” Isinagawa rin ang soft launching ng DA DOS KOLEK, isang digital application na naglalayong mapadali ang pagkuha ng impormasyon hinggil sa mga serbisyong pang-agrikultura at mga bagong kaalaman.

Nagbigay-daan naman ang SCABPMTC Briefing, talakayan tungkol sa planong Agricultural Machinery Design and Prototyping Center, at Technology Pitching and Insights Sharing ng Cagayan Valley Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development Network (CVAFRREDN) sa mas malawak na pagpapalitan ng kaalaman at ideya.

Kabilang sa mga nakibahagi sa pitching ang Cagayan State University (CSU), Quirino State University (QSU), at Saint Paul University Philippines (SPUP), kasama ang iba pang miyembro ng CVAFRREDN, mga incubatee, kinatawan ng pribadong sektor, at mga mag-aaral. Ibinahagi nila ang mga resulta ng pananaliksik, solusyon, at mga konseptong maaaring iangkop sa pangangailangan ng mga komunidad na umaasa sa agrikultura.

Samantala, inilahad ng PhilMech ang plano para sa pagtatayo ng Agricultural Machinery Design and Prototyping Center, na nakatakdang magsilbing pasilidad para sa pagbuo, pagsubok, at pagpapahusay ng mga kagamitang tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng mga magsasaka.

Ayon kay Dir. Aquino, ang SCABPMTC ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DA RFO 02 na palakasin ang ugnayan sa mga research institutions, pamantasan, ahensya ng pamahalaan, at pribadong sektor upang mailapit sa mga magsasaka ang mga praktikal at siyentipikong solusyon.

Sa pamamagitan ng bagong pasilidad at mga programang nakatuon sa technology transfer, agricultural mechanization, at nutrient management, layunin ng DA RFO 02 na suportahan ang isang mas episyente, produktibo, at climate-resilient na sektor ng agrikultura sa Cagayan Valley.

Istorya mula kay Ms. Barby Balcita