Ganap nang Accredited Agricultural and Biosystems Machinery Testing Center ang Southern Cagayan Agricultural and Biosystems Power and Machinery Testing Center (SCABPMTC) sa ilalim ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (DA-BAFE). Pormal itong binuksan at nagsilbing kauna-unahang accredited testing center sa Northern Luzon, sa pamamagitan ng Department of Agriculture-Regional Field Office No. 02, kasabay ng Department of Agriculture-Southern Cagayan Research Center ( DA-SCRC) Open House 2026 na ginanap sa Iguig, Cagayan noong Setyembre 21, 2026.

Layunin ng pasilidad na mailapit sa publiko ang de-kalidad na testing services, mabawasan ang oras ng paghihintay at gastusin, matiyak ang mabilis na access sa serbisyo, at higit sa lahat, mapalakas ang lokal na inobasyon sa larangan ng agrikultura at agricultural machinery sa Northern Luzon.

Kaugnay nito, sa ginanap na 75th PSABE Annual National Convention, opisyal na iginawad ang Certificate of Accreditation sa SCABPMTC, isang mahalagang pagkilala sa pagsisikap at dedikasyon ng buong team na maisulong ang mataas na pamantayan sa agricultural and biosystems machinery testing.

Nagsimula ang inisyatibang ito sa maingat na konseptuwalisasyon at paglalaan ng mga kinakailangang advanced testing equipment. Pinatibay din ang kakayahan at kaalaman ng mga tauhan sa pamamagitan ng masinsinang pakikipagtulungan sa DA-BAFE at UPLB Agricultural Machinery Testing and Evaluation Center (AMTEC).

Dumaan din ang SCABPMTC sa mahigpit na site inspection at compliance audits upang matiyak na ang bawat pagsusuri at proseso ay naaayon sa itinakdang pamantayan ng Philippine National Standards (PNS) at Philippine Agricultural and Biosystems Engineering Standards (PABES).

Magsisilbi rin ang SCABPMTC bilang sentro ng pakikipagtulungan sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at iba’t ibang unibersidad sa rehiyon, kabilang ang Isabela State University (ISU), Cagayan State University (CSU), Quirino State University (QSU), Central Luzon State University (CLSU), at Nueva Vizcaya State University (NVSU) para sa machine design validation, field evaluation, On-the-Job Training (OJT), at suporta sa pananaliksik.

Sa pakikipagtulungan sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech), DA attached agencies, State Universities and Colleges (SUCs), Local Government Units (LGUs), at pribadong sektor, higit pang pinapalakas ng SCABPMTC ang suporta para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at sa pagsusulong ng inobasyon sa sektor ng agrikultura.

Samantala, patuloy na isinusulong ng SCABPMTC ang layuning maging premier agricultural machinery testing center sa Northern Luzon, isang sentro ng inobasyon, teknikal na kahusayan, at ehemplo ng ligtas, episyente, at makabagong pagsasaka.

Para sa iba pang detalye at paglilinaw, mangyaring magpadala ng mensahe at bisitahin ang mga sumusunod:

Email: darfscabpmtc@gmail.com
Facebook page: Da-rf02-Scabpm Testing Center

 

Istorya ni Ms. Castle Castillo