Hindi lamang sa bukid nasusukat ang husay ng isang magsasaka. Sa entablado ng Mr. and Ms. KAMAIS 2026, ipinamalas ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang kanilang talento at pagmamalaki sa kanilang propesyon bilang bahagi ng 19th Philippine National Corn Congress – Luzon Cluster.

Sa ikatlong araw ng kongreso, naging tampok ang makulay na pagtatanghal ng mga kalahok na kumatawan sa kani-kanilang rehiyon. Higit sa isang patimpalak, nagsilbi itong pagkakataon upang maipakita ang iba’t ibang mukha ng mga magsasakang patuloy na nagsusumikap para sa pagpapaunlad ng industriya ng mais.

Bitbit ang kanilang mga kuwento mula sa bukid patungo sa entablado, ipinakita ng mga kalahok na ang pagiging magsasaka ay hindi lamang tungkol sa pagtatanim at pag-aani. Ito rin ay nangangailangan ng sipag, tiyaga, kaalaman, at pagmamalaki sa kanilang ambag sa agrikultura.

Sa huli, nasungkit nina Harison Tañon ng Blue Cicle Grains Agriculture and Trading Cooperative at Karen Calantoc ng Cabisera 25 Multi Crop Farmers Association, kapwa mula sa Region 02, ang nasabing titulo. Kanilang ipinamalas na ang mga magsasaka ay may natatanging talento at kuwentong karapat-dapat kilalanin at ipagmalaki, mula sa bukid hanggang sa entablado.

Istorya mula kay Mr. Julian Florague