Naging sentro ng talakayan sa ginanap na 19th Philippine National Corn Congress – Luzon Cluster ang pagpapalakas ng produksyon, pagpapalawak ng market opportunities, at pagpapaunlad ng corn value chain upang higit na masuportahan ang mga magsasaka at iba pang stakeholders sa industriya ng mais.
Ang limang (5) araw na aktibidad ay sa pangunguna ng Philippine Maize Federation, Inc. (PhilMaize), katuwang ang Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), na nagtipon sa mga magsasaka ng mais, government representatives, industry partners, researchers, at iba pang stakeholders mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ito ay ginanap sa City of Ilagan, Isabela, bilang Corn Capital of the Philippines, Setyembre 21-25, 2026.
Tinalakay sa kongreso ang mga programa, teknolohiya, inobasyon, at iba pang hakbang para sa pagpapataas ng produktibidad at pagpapalakas ng industriya ng mais sa bansa. Kabilang dito ang mga usapin sa binhi, good agricultural practices, production technologies, post-harvest management, market linkage, value-adding, at ang corn and livestock integration.
Binigyang-pugay rin ang 41 Top Corn Yielders mula sa Cagayan, Isabela, at Nueva Vizcaya bilang pagkilala sa kanilang natatanging ani at pagsunod sa mga teknolohiyang nagtataguyod ng mas produktibong produksyon ng mais. Nanguna si Benjamin E. Domingo ng Isabela na nakapagtala ng 15.13 tonelada kada ektarya.
Bahagi rin ng programa ang pagbabahagi ng karanasan ng mga magsasaka, gayundin ang mga talakayan kasama ang mga eksperto at kinatawan mula sa mga research institution at development organizations, kabilang ang CIMMYT at International Rice Research Institute (IRRI).
Naging pagkakataon din ang kongreso para pag-usapan ang kinahaharap na problema at oportunidad sa sektor ng agrikultura. Tinalakay rin ang mga posibleng ugnayan at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga rehiyon upang mapalawak ang access ng mga magsasaka sa teknolohiya, serbisyo, at merkado.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa rin ang field tour sa mga pangunahing agricultural facilities at enterprise sa siyudad, kabilang ang I-Corn Complex, Corn Derby Site, Jeaox Farm, Mr. Moo’s Products, at CPF Feed Mill. Ipinakita rito ang mga aktuwal na inisyatiba sa produksyon, post-harvest, processing, value-adding, livestock integration, at marketing ng mais.
Sa kabuuan, nagsilbing plataporma ang taunang aktibidad para sa pagpapalitan ng kaalaman, pagkilala sa mga natatanging magsasaka, pagpapakita ng mga makabagong teknolohiya at pasilidad, at pagbuo ng mga ugnayan tungo sa mas matatag at sustenableng industriya ng pagmamais.
Sa pagdaraos nito sa lungsod ng Ilagan, muling naipakita ang mahalagang papel ng Lambak ng Cagayan sa pagpapaunlad ng industriya ng mais at ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga magsasaka, lokal na pamahalaan, research institutions, at pribadong sektor sa pagpapalakas ng buong corn value chain.
Istorya mula kay Mr. Julian Florague
