Iba’t ibang agricultural inputs, farm machinery, livestock assistance at cash aid ang naihatid ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa mga magsasaka ng Isabela bilang bahagi ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” na ginanap sa The Capital Arena, City of Ilagan noong September 14, 2026.
Sa kabuuan, umabot sa mahigit ₱14 milyon ang halaga ng mga agricultural assistance na inilaan ng Kagawaran, kabilang ang fertilizer, corn seeds, farm machinery, livestock at iba pang production support.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ang 40 sako ng fertilizer support (21-0-0) na nagkakahalaga ng ₱3.835 milyon, liquid fertilizer na ₱875,000 at wettable powder fertilizer (14-14-14) na ₱200,000.
Para naman sa corn production, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng apat na two-row corn seeders na nagkakahalaga ng ₱2.999 milyon, hybrid yellow corn seeds na ₱2.076 milyon at hybrid white corn seeds na ₱1.005 milyon.
Kasama rin sa agricultural assistance ang peanut seeds na ₱250,000, inorganic fertilizer (boron) na ₱50,000, at 10 upgraded heifers na nagkakahalaga ng ₱957,760.
Naglaan din ang DA ng ₱216,000 para sa disinfectants at ₱1.74 milyon para sa AI indemnification, bilang karagdagang suporta sa sektor ng paghahayupan.
Samantala, sampung magsasaka ang nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP).
Hindi lamang production assistance ang inilapit sa mga Isabeleño. Tampok din sa aktibidad ang KADIWA ng Pangulo, kung saan naibenta at naipakilala sa mga mamimili ang sariwang gulay, prutas at iba’t ibang processed products mula sa mga lokal na producers, FCAs at stakeholders.
Sa pamamagitan ng Handog ng Pangulo, nagsama-sama ang mga national government agencies upang dalhin mismo sa mga komunidad ang mga programa, serbisyo at tulong na naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino, partikular ng mga magsasaka at iba pang sektor.
Istorya mula kay Aza-zel Erro
