Basco, Batanes — Isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng goat production sa Batanes ang naitala ng Batanes Experiment Station (BES) matapos itong maging kauna-unahang research station sa rehiyon na nakamit ang Good Animal Husbandry Practices (GAHP) Certification para sa goat-breeder farm.

Sumailalim ang goat breeding station ng BES sa national inspection noong Mayo 21–22, 2026 upang masuri ang pagsunod nito sa mga itinakdang pamantayan sa maayos at responsableng pamamahala ng animal production.

Batay sa sertipikasyong inilabas noong Setyembre 14, 2026, idineklarang compliant ang farm sa mga requirement ng Department of Agriculture Good Animal Husbandry Practices (GAHP) alinsunod sa Philippine National Standard (PNS)/BAFS 201:2017 o Code of Good Animal Husbandry Practices. Nakasaad sa sertipiko na ang farm production ng BES ay Goat-Breeder, na may Certificate No. 2026-00032 at Farm ID No. R02-BNBS-00198. Balido ang sertipikasyon hanggang Setyembre 14, 2027.

Higit sa pagkilala, ipinapakita ng certification na ang goat farming sa BES ay isinasagawa alinsunod sa pambansang pamantayan na nagbibigay-daan upang magsilbi itong modelo at learning site para sa mga goat raiser na nais mapabuti ang kanilang pamamaraan sa pag-aalaga at produksyon.

Sa pamamagitan ng pananaliksik, teknolohiya, at pagsunod sa pamantayan, patuloy na itinataguyod ng BES ang mas mahusay na livestock production sa Batanes. Isang halimbawa ng goat farming na sumusunod sa maayos, ligtas na animal husbandry practices.

 

Istorya mula kay Aza-zel T. Erro