Septyembre 14 — Umabot sa mahigit P5.9 milyon ang halaga ng agricultural inputs, livestock livelihood assistance, at cash assistance na ipinagkaloob ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa mga magsasaka sa lalawigan ng Quirino sa pagdaraos ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” sa Capitol Hills, San Marcos, Cabarroguis, Quirino.

Pinangunahan at kinatawan ni DA Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Roberto C. Busania ang DA RFO 02 sa pamamahagi ng mga nasabing interbensyon.

Katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, namahagi ang ahensya ng 245 packs ng fertilizer na nagkakahalaga ng P361,375; 127 packs ng hybrid white corn seeds na nagkakahalaga ng P226,548; 150 trays ng vegetable seedlings na nagkakahalaga ng P228,346; 45 heads ng upgraded cattle na nagkakahalaga ng P2,154,960; 35 heads ng upgraded goats na nagkakahalaga ng P 525,000; anti-rabies vaccines na nagkakahalaga ng P35,000; at deworming assistance na nagkakahalaga ng P25,000.

Personal ding ipinamahagi ng Kagawaran ang nasa 996 farmer-beneficiaries ang cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) na may kabuuang halaga na P2,315,700.

Samantala, inilapit din sa publiko ng KADIWA ng Pangulo ang mga sariwang gulay, prutas, at iba’t ibang processed products mula sa mga lokal na producers at stakeholders.

Layunin ng programa na mailapit ang mga pangunahing serbisyo at programa ng pamahalaan sa mga komunidad upang matiyak na ang mga magsasaka at iba pang benepisyaryo ay makatatanggap ng sapat at napapanahong tulong.

 

Istorya: Julian E. Florague