Pinagtibay ng Lokal na Pamahalaan ng Roxas, Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), Dizon Farms Inc., at Department of Agriculture ang kanilang partnership sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) signing na isinagawa sa ikalawang araw ng TeknoBukid 2026.

Layunin ng kasunduan na mapalawak ang produksyon ng prutas at gulay sa Roxas at makapagbigay ng mas matatag at maaasahang pamilihan para sa mga magsasaka.

Mahalaga ang papel ng Dizon Farms Inc., bilang market partner dahil nagsusuplay ito ng mga prutas at gulay sa malalaking supermarket at institutional markets, kabilang ang Robinsons, SM, at WalterMart, sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, gayundin sa Cebu at Davao.

Sa ilalim ng inisyatiba, kinakailangan ng Dizon Farms, Inc. ang tinatayang 50 metric tons ng prutas at gulay kada buwan, kaya’t 50 ektarya ng lupang sakahan ang ilalaan para sa produksyon na nakatuon sa pangangailangan ng naturang merkado.

Bilang karagdagang suporta, maglalaan ang LGU Roxas ng ₱5 milyon, habang ₱10 milyon naman ang ilalaan ng Roxas Tobacco Farmers Cooperative para sa agricultural production at pagpapalawak ng contract farming initiative.

Sa pamamagitan ng contract farming at direktang market linkage, magkakaroon ang mga magsasaka ng mas malinaw na direksiyon sa produksyon, mas tiyak na pamilihan, at mas malaking oportunidad na mapataas ang kanilang kita. Inaasahang magsisilbi rin itong modelo para sa mas organisado, produktibo, at market-oriented na produksyon ng prutas at gulay sa Isabela.

Istorya ni Engr. Ezra Jasmine P. Maramag