Umabot na sa P556.13 milyon ang naipamahaging direct cash assistance ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) sa 239,197 magsasaka at mangingisda sa Cagayan Valley, batay sa datos hanggang August 18, 2026. Layunin ng programa na magbigay ng agarang tulong pinansyal sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda upang makatulong na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng fuel, production costs at iba pang gastusing kaugnay ng kanilang kabuhayan.

 

Sa ilalim ng Republic Act No. 12314 o ang 2026 General Appropriations Act, nagbibigay ang PAFFP ng P2,325 cash assistance sa bawat kwalipikadong benepisyaryo. Sa buong bansa, mahigit 4.17 milyon ang target na benepisyaryo ng programa, na pinangungunahan ng Department of Agriculture (DA).

 

Sa unang pagpapatupad ng programa, kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo ang rice farmers na nagsasaka ng dalawang ektarya pababa, corn at sugarcane farmers na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), at mga kwalipikadong mangingisdang nakarehistro sa National Program for Municipal Fishing Vessels and Gears Registration (BoatR).

 

Sa Cagayan Valley, nasa 422,400 ang kabuuang target na benepisyaryo, kabilang ang 218,100 rice farmers, 191,700 corn farmers at 12,600 fisherfolk, na may kabuuang pondong P982.08 milyon. Batay sa bilang ng mga benepisyaryo, nasa 56.63% na ang accomplishment ng rehiyon.

 

Pinakamalaki ang naipamahaging assistance sa rice beneficiaries, na umabot sa P412.98 milyon para sa 177,624 benepisyaryo, o 81.44% ng target na 218,100.

Samantala, 56,271 corn farmers ang nakatanggap ng kabuuang P130.83 milyon, katumbas ng 29.35% ng target na 191,700 benepisyaryo.

 

Sa fisheries, umabot naman sa 5,302 fisherfolk ang nakatanggap ng kabuuang P12.33 milyon, o 42.08% ng target na 12,600 benepisyaryo.

 

Sa limang probinsiya ng Cagayan Valley, Isabela ang may pinakamaraming benepisyaryong naabot ng PAFFP, na umabot sa 94,956, na sinundan ng Cagayan na may 92,844.

Pinakamalaki rin ang kabuuang cash assistance na naipamahagi sa Isabela, na umabot sa P220.77 milyon, habang P215.86 milyon naman ang naipamahagi sa Cagayan.

 

Sa Nueva Vizcaya, nakatanggap ng cash assistance ang 31,716 benepisyaryo na nagkakahalaga ng P73.74 milyon. Sa Quirino, umabot naman sa 19,169 benepisyaryo ang nakatanggap ng P44.57 milyon. Samantala, 512 benepisyaryo sa Batanes ang nakatanggap ng kabuuang P1.19 milyon.

 

Samantala, sa ilalim ng Memorandum Circular No. 37, s. 2026 o Updated Implementing Guidelines for the PAFFP, pinalawak na ang saklaw ng programa upang maisama ang mga rice farmers na may sinasakang higit sa dalawang ektarya. Kabilang na rin sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang mga high-value commercial crops farmers, tulad ng mga nagtatanim ng gulay at prutas, gayundin ang mga coconut farmers.

 

Sa pamumuno ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., patuloy na isinusulong ng DA RFO 02, katuwang ang mga local government units (LGUs), ang mga programa at serbisyong naglalayong magbigay ng konkretong tulong at proteksyon sa kabuhayan ng mga nasa sektor ng agrikultura.

 

Istorya mula kay Barby Balcita