Dahil sa patuloy na pag-ulan sa Nueva Vizcaya at ilang bahagi ng Cordillera Administrative Region, agad na kumilos ang #DARegion02 sa pamamagitan ng Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES), katuwang ang Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT), sa pagsasagawa ng “Buy-and-Save Operations” ngayong Agosto 19, 2026.
Sa pangunguna ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, nagsagawa ng agarang monitoring sa kasalukuyang status sa pinakamalaking agricultural terminal ng Lambak ng Cagayan. Sa kaniyang inspeksyon ay agarang pinatupad ang buy-and-save operations upang matulungan ang mga magsasaka na may mga gulay na hindi na kayang tanggapin ng trading center.
Kabilang sa mga apektadong produkto ang Chinese cabbage (wombok) at kamatis na madaling masira dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan. Dagdag pa rito, naapektuhan ng matinding pagbaha sa ilang pangunahing bagsakan tulad ng Balintawak ang transportasyon ng mga gulay, dahilan upang mas lumaki ang posibilidad ng pagkasira ng mga ito habang nasa biyahe.
Bunsod nito, magiging bahagi na ng regular monitoring ng DA Region 02 ang buy-and-save operations katuwang ang NVAT.
Sa huling tala ng price monitoring nitong August 18, ang kada kilo ng Chinese cabbage (wombok) ay nasa sampung piso at ang kamatis ay nasa P38.00.
Samantala, agad na namili ng DA RFO 02 ng 1,200 kg na Chinese cabbage at 63 crates ng kamatis bilang bahagi ng Buy and Save Operations.
Ang mga nabiling gulay ay ilalako sa KADIWA sa DA RFO 02, San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan, upang maibenta at mapakinabangan sa halip na masayang.
Para sa mga interesadong buyers, maaaring makipag-ugnayan sa Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES) sa hotline na 09687786630.
