Dalawampu’t apat (24) ektarya ng tubo ang na-monitor na apektado ng Red-Striped Soft Scale Insect (RSSI), na nagtala ng 40% average infestation sa Echague, Isabela. Dahil dito, pinaigting ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 sa pamamagitan ng Regional Crop Protection Center (RCPC) Region 2 ang monitoring, pest surveillance, at control efforts upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng peste na maaaring magdulot ng banta sa produksyon ng tubo (sugarcane).
Nagsagawa ang RCPC Region II ng field surveillance, pest validation, at technical assessments sa apektadong lugar. Gayundin ang massive spraying at hinikayat ang mga magsasaka na regular na inspeksyunin ang kanilang sugarcane fields upang agad na matukoy ang hindi pangkaraniwang dami ng insect populations at mga senyales ng pinsala.
Ang Red-Striped Soft Scale Insect (RSSI) ay isang bagong lumilitaw na pest (emerging pest) na kumakain sa pamamagitan ng pagsipsip ng sap mula sa mga dahon at stalks ng sugarcane na nagre-resulta ng pagkahina ng mga halaman at nababawasan ang kanilang paglaki at makapag-produce ng de-kalidad na canes. Kapag malala ang infestation, maaaring magkaroon ng leaf yellowing, stunted growth, at reduced yield.
Bukod dito, naglalabas ang insect ng honeydew na nagdudulot ng pagbuo ng sooty mold. Tumatakip ang sooty mold sa ibabaw ng mga dahon at nakaaapekto sa potosintesis (photosynthesis), o sa proseso kung saan gumagawa ng sariling pagkain ang halaman gamit ang liwanag ng araw. Kapag naapektuhan ang photosynthesis, maaari ring maapektuhan ang paglaki at productivity ng nito.
Mahalaga ang maagang pag-uulat sa pinakamalapit na Municipal Agriculture Office o sa Department of Agriculture upang agad na makapagbigay ng technical assistance at maiwasan ang patuloy na pagkalat ng pest. Ang pagpapatupad ng Integrated Pest Management (IPM) practices, kabilang ang field sanitation, preservation of beneficial insects, at responsableng paggamit ng mga recommended control measures, ay nananatiling mahalagang strategy sa pamamahala ng pest na ito.
Samantala, hinihikayat ng RCPC Region 2 ang lahat ng sugarcane growers na manatiling alerto at aktibong makilahok sa mga pest surveillance efforts. Mahalaga ang early detection at coordinated action upang maiwasan ang pagkalat ng bagong lumilitaw na pest na ito at upang mapanatili ang isang matatag at produktibong industriya ng tubo.
Istorya mula kay Castle Castillo
Source: DA RCPC Region II
