Nagbunga ang sama-samang pagkilos ng mga rice farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa Cagayan Valley sa ilalim ng Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), kung saan umabot sa P8.46 milyon ang net surplus mula sa sama-samang produksyon, pagproseso, at pagmemerkado ng palay at bigas.

Isinulong ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pamamagitan ng Rice Program, ang SAMA-SAMA, isa sa mga haligi ng MRIDP, bilang pangunahing gabay sa rice clustering at consolidation upang mapalakas ang ugnayan at pagtutulungan ng mga magsasaka, kanilang mga organisasyon, at iba pang stakeholders sa rice industry.

Sa ilalim ng approach na ito, itinaguyod ang pagbuo ng rice clusters bilang pundasyon sa pagpapaunlad ng rice production, milling, at marketing enterprises. Sa halip na magkakahiwalay na kumilos, pinagbuklod ang mga magsasaka at FCAs upang mas mapalakas ang kanilang kapasidad sa produksyon at sama-samang pagproseso at pagmemerkado ng kanilang palay.

Noong 2023, 20 FCAs ang lumahok sa Rice for All, na binubuo ng 1,897 magsasaka at sumasaklaw sa 2,000 ektarya ng palayan.

Kabilang sa mga sumali ang Baro a Langa ti Mannalon Agriculture Cooperative, Cagayan Seed Producers Multi-Purpose Cooperative, Claveria Farmers Multi-Purpose Cooperative, Diffun Saranay and Development Cooperative, Epiphany Multi-Purpose Cooperative, Good Samaritan Multi-Purpose Cooperative, Isabela Seed Growers Multi-Purpose Cooperative, Kabisig Savings and Agri-Development Cooperative, Magapuy Farmers Multi-Purpose Cooperative, Mallig FST MPC, Masisit-Dacal Livelihood Multi-Purpose Cooperative, Nueva Vizcaya Alay Kapwa Multi-Purpose Cooperative, Providers Multi-Purpose Cooperative, Sadiri Multi-Purpose Cooperative, Saint Jerome’s Multi-Purpose Cooperative, Santiago Amos Credit Development Cooperative, Solana North Agriculture Cooperative, Solana West Farmers Cooperative, St. Catherine Parish of Nueva Vizcaya Multi-Purpose Cooperative, at St. Vincent Parish Multi-Purpose Cooperative.

Sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos, nakapag-procure ang mga kasapi ng 9,649 metriko tonelada (MT) ng palay at nakapagprodyus at nakapagmarket ng 3,358 MT ng milled rice, na naibenta sa halagang P32 hanggang P35 kada kilo.

Dahil dito, patuloy na pinapalawak ng DA RFO 02 ang pagpapaunlad ng rice clusters sa rehiyon. Katuwang ang National Irrigation Administration (NIA), Agricultural Training Institute (ATI), at local government units (LGUs), isinagawa ang profiling at assessment ng 2,842 rice clusters.

Magsisilbing batayan ang profiling at assessment sa cluster development planning and implementation upang matukoy ang mga susunod na hakbang at kinakailangang suporta sa pagpapaunlad ng mga rice clusters sa rehiyon.

Ipinakikita ng mga resulta na mahalaga ang SAMA-SAMA pillar sa pagsasama-sama ng lakas, resources, at kakayahan ng mga magsasaka at kanilang mga organisasyon.

Patuloy namang isinusulong ng DA RFO 02 ang ganitong pamamaraan sa ilalim ng MRIDP upang higit pang mapalakas ang mga rice clusters at mapaunlad ang rice industry sa Cagayan Valley.

Istorya mula kay Barby Balcita