Mahigit P180 milyon na ang naitalang halaga ng institutional procurement ng Department of Agriculture -Regional Field Office No. 02 at partner agencies, sa pamamagitan ng Negotiated Procurement – Sagip Saka (NP-SS) na may direct market linkage sa mga magsasaka at mangingisda sa Lambak ng Cagayan simula Enero hanggang Hunyo ngayong taon sa ilalim ng SAGIP SAKA Act o RA No. 11321.

Kabilang dito ang P125.82 milyon na milled rice, kung saan umabot sa 2,452,925 kilo ang direktang nabili mula sa mga lokal na Farmers’ Cooperative and Associations (FCAs).

Bukod sa bigas, umabot sa P39.78 milyon ang nabili para sa seeds at iba pang agricultural products tulad ng mungbean, yam, corn at peanut seeds, citrus rootstocks, gulay, at meat products. Samantala, nakapagtala rin ng P14.54 milyon na procurement para sa dairy at grocery products.

Sa pamamagitan ng Regional Sagip Saka Implementing Unit (RSSIU), pinaigting din ng ahensya ang information at advocacy efforts sa mga lokal na pamahalaaan, national government agencies (NGAs), FCAs, grupo ng mga kabataan, at iba pang stakeholders.

Bilang bahagi ng pagpapalakas ng Sagip Saka implementation, nakapag-endorse ang ahensya ng 80 FFEDIS Negotiated Procurement-Sagip Saka accounts at nakapagrehistro ng 1,433 Farmer and Fisherfolk Cooperatives and Enterprises (FFCEs). Sa pamamagitan nito, napalawak ang database ng mga potensyal na supplier at beneficiaries na maaaring lumahok sa institutional procurement at iba pang market opportunities sa ilalim ng programa.

Layunin ng ahensya na higit pang palawakin ang market linkages at institutional procurement upang matiyak na ang mga local agricultural producers ay makatatanggap ng mas malaking halaga mula sa kanilang mga produkto at maging aktibong katuwang sa pagpapaunlad ng food system at ekonomiya ng bansa.

Istorya mula kay Julian Florague