Nakiisa ang Department of Agriculture–Regional Field Office No. 02 (DA-RFO 02) sa dalawang araw na LegisHear, isang nationwide legislative consultation and oversight initiative ng House of Representatives, na ginanap sa Isabela State University, Echague, Isabela noong Hulyo 31, 2026 hanggang Agosto 1, 2026.

Ang LegisHear ay isa sa mga unang pangunahing inisyatiba sa ilalim ng Second Regular Session na nagbibigay ng kongkretong katuparan sa bisyon ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III para sa isang Bagong Kongreso.

Inilalapit ng inisyatibang ito ang Kongreso sa mga komunidad sa pamamagitan ng consultations, public hearings, at policy dialogues na isinasagawa sa 18 rehiyon, na nilalahukan ng humigit-kumulang 5,000 hanggang 6,000 kalahok at 21 partner agencies. Layunin nitong direktang marinig ng mga mambabatas ang mga pananaw at mungkahi ng mamamayan hinggil sa mga panukalang batas, masuri ang implementasyon ng mga umiiral na batas, at higit pang mapalakas ang participatory governance bilang pagpapatibay sa prinsipyong “Bawat Batas Mahalaga.”

Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Speaker Dy ang tunay na diwa ng Bagong Kongreso.

“Ang ‘Bagong Kongreso’ ay hindi lamang po tungkol sa bagong pamunuan o mga bagong programa. Kasama po ang iba’t ibang kinatawan sa bulwagang ito, handa kaming tanggapin ang hamong magtaguyod ng isang panibagong pamantayan ng paglilingkod. A new standard for public service. Ang tunay na Bagong Kongreso ay isang Kongresong nagsisilbi nang may dangal, may malasakit, at may mas malalim na pagkilala sa bawat Pilipino.”

Bilang bahagi ng inisyatiba, isa ang DA-RFO 02 sa dalawampu’t isang (21) partner agencies na nakiisa sa LegisHear. Nagsagawa ang ahensya ng Focus Group Discussion (FGD) sa pangunguna nina Regional Executive Director Dr. Rose Mary G. Aquino at Dr. Marvin Luis, Chief ng Field Operations Division (FOD), kasama ang 17 kinatawan mula sa iba’t ibang sektor sa Lalawigan ng Isabela.

Layunin ng talakayan na makakalap ng direktang citizen feedback hinggil sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan sa mga komunidad. Magsisilbi itong batayan sa higit pang pagpapahusay at pagpapatibay ng implementasyon ng mga umiiral na batas, gayundin sa paghahatid ng mas episyenteng pampublikong serbisyo.

Naghatid din ang ahensya ng iba’t ibang serbisyo, kabilang ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) registration, Civil Society Organization (CSO) accreditation, Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) distribution, Seeds and Seedlings distribution, at  IEC materials.

Sa pamamagitan ng LegisHear, muling pinagtitibay ng House of Representatives at ng mga partner agencies ang kanilang layuning ilapit ang pamahalaan sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng pakikinig, pagkatuto, at mas mahusay na paglilingkod. Sa ganitong paraan, masisiguro na ang bawat batas at programa ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan, sapagkat “Bawat Batas Mahalaga.”

Istorya mula kay Castle Castillo