Mas pinalawak ng KADIWA (Pop-Up at On-Wheels) ang access sa merkado ng dalawang farmer-entrepreneur na samahan sa Nueva Vizcaya matapos silang makapagtala ng pinagsamang benta na ₱143,480 sa isinagawang dalawang araw na bentahan noong Hulyo 27–28, 2026.
Kabilang sa mga lumahok ang Women’s Garlic and Onion Growers Association, Inc. ng Bambang at Angat Buhay Gardeners SLPA ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya. Sa pamamagitan ng KADIWA, naipagbili nila ang kanilang sariwa, de-kalidad, at abot-kayang produktong agrikultural sa iba’t ibang tanggapan sa Regional Government Center at iba pang itinakdang selling sites, na nagbigay sa kanila ng mas malawak na oportunidad sa pamilihan at karagdagang kita.
“Ganado kaming magbenta at napakaganda pala ng ginagawa ng #DARegion2 para sa amin upang maibenta ang aming mga ani,” pahayag ng kinatawan ng Women’s Garlic and Onion Growers Association, Inc., bilang pasasalamat sa patuloy na suporta ng #DARegion2 sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa merkado para sa mga organisadong magsasaka.
Naging matagumpay ang dalawang araw na KADIWA sa pamamagitan ng suporta ng mga empleyado at mamimili mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang CLGU Tuguegarao, PLGU Cagayan, Police Regional Office 02–Camp Marcelo A. Adduru, PNP–Cagayan Police Provincial Office sa Camp Tirso H. Gador, Metropolitan Tuguegarao Water District, Department of Agriculture Regional Field Office No. 02, Department of Trade and Industry Region 2, Department of Labor and Employment Region 2, Environmental Management Bureau Region 2, Bureau of Jail Management and Penology Region 2, at Philippine Statistics Authority Region 2.
Istorya mula kay Paul P. Buenavista
