Mahigit 350 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng Echague at mga karatig-bayan ang nakinabang sa mga suportang pang-agrikultura at tulong pinansyal na ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa dalawang araw na LegisHear na ginanap sa Isabela State University-Echague Campus mula July 31 hanggang August 1, 2026.
Ang LegisHear ay isa sa mga pangunahing inisyatiba ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Faustino “Bogie” Dy III na naglalayong ilapit ang Kongreso at mga ahensya ng pamahalaan sa mamamayan sa pamamagitan ng paghahatid ng mga serbisyo at pakikinig sa kanilang mga pangangailangan at rekomendasyon upang higit pang mapahusay ang mga batas, programa, at serbisyong pampubliko.
Bilang katuwang sa inisyatibang ito, naghatid ang DA RFO 02 ng iba’t ibang interbensiyong pang-agrikultura para sa mga magsasaka at iba pang kliyente ng ahensya.
Sa ikalawang araw ng programa, ipinagpatuloy ng DA RFO 02 ang pamamahagi ng wettable powder, liquid inorganic fertilizer, biofertilizer, compost fungus activator, Agri-N, assorted vegetable seeds, at fruit tree seedlings bilang bahagi ng pagsusulong ng balanced fertilization upang mapataas ang produktibidad at mapanatili ang kalusugan ng lupa.
Bukod dito, tumanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) bilang karagdagang suporta sa kanilang kabuhayan.
Sa pakikiisa ng DA RFO 02 sa LegisHear, muling pinagtibay ng ahensya ang layunin nitong makapaghatid ng maagap at mas angkop na mga programa at serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka.
Istorya mula kay Barby Balcita
