“Dati po, ang itinatanim po namin e yung suhi ng saging…pero sa katagalan ng panahon, kinapitan ng sakit, kahit hindi pa namumunga ay patay na. Kaya itong nursery ang solusyon. Mapapaangat ang kalidad ng itatanim namin saging.”
Ito ang ibinahagi ni Mr. Angelito P. Hernandez, Presidente ng Sustained Alliance for Integrated Farming Association (SAIFA), habang inaalala ang mga naging karanasan at mga kinaharap ng kanilang samahan sa kanilang pagtatanim.
Bilang tugon sa mga hamong ito, isang simula para sa mga banana growers ng SAIFA ng Barangay Sawmill, Villaverde, Nueva Vizcaya ang naganap. Noong Hulyo 27, 2026, opisyal na pinasinayanan ng Sustained Alliance for Integrated Farming Association (SAIFA) ang kanilang One Unit Nursery Facility, ang kauna-unahang suportang natanggap ng samahan mula sa Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP).
Itinatag noong 2024, ang SAIFA ay isang Farmers’ Cooperative Association na binubuo ng 30 aktibong kasapi na pangunahing nagtatanim ng mga prutas at gulay, kabilang ang saging na Balangon. Bilang unang interbensyon ng kagawaran sa samahan, ipinagkaloob ang nursery facility na nagkakahalaga ng ₱2 milyon sa ilalim ng Fiscal Year 2025 General Appropriations Act. Natapos ang konstruksyon nito noong Mayo 22, 2026.
Higit pa sa isang pasilidad, ang nursery facility ay magsisilbing sentro ng pagpaparami ng punla ng saging. Sa pamamagitan nito, inaasahang mapapabuti ang kalidad ng mga itatanim, tataas ang produksyon, mababawasan ang sakit sa pananim, at magkakaroon ng mas matatag na suplay ng planting materials para sa mga susunod na taniman.
Para sa mga miyembro ng SAIFA, ang pasilidad ay hindi lamang bagong imprastraktura kundi isang pagkakataong maitaas ang antas ng kanilang produksyon.
“Nagpapasalamat po kami sa mga ahensya ng gobyerno na tumulong sa amin para makapagpatayo ng ganitong pasilidad. Kay Ma’am Rose Aquino at kay Ma’am Carol, sila po ang nagbigay sa amin ng lakas ng loob para maisuccess pa namin yung iexport naming na saging para may quality.” ani ni Domingo H. Estrada, opisyal ng SAIFA.
Dinaluhan ang inagurasyon ng mga kinatawan mula sa Department of Agriculture Regional Field Office No. 02, mga opisyal ng pamahalaang lokal at panlalawigan, opisyales ng Nueva Vizcaya Experiment Station (NVES), at mga miyembro ng samahan bilang pagsuporta sa proyektong magpapalakas sa industriya ng high-value crops sa lalawigan.
Istorya mula kay Aza-zel Erro
