|
Layunin nitong matukoy ang mga pangunahing suliranin, potensyal, at pangangailangan ng mga magsasaka na magsisilbing batayan sa pagbuo ng mga pananaliksik, teknolohiya, at programang tunay na angkop sa kanilang sitwasyon. Sa isinagawang pagbisita sa sampung (10) barangay ng Cagayan Valley, aktibong nakipagdayalogo ang PRA Team sa mga magsasaka, Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), at mga opisyal ng barangay. Tinalakay sa mga konsultasyon ang kasalukuyang kalagayan ng produksyon, mga hamon sa pagsasaka, likas na yaman ng komunidad, at iba pang mahahalagang isyung may direktang epekto sa kabuhayan ng mga magsasaka. Ang mga barangay ay pinili batay sa kani-kanilang agricultural ecosystem upang matiyak na ang mga datos at impormasyong makakalap ay kumakatawan sa iba’t ibang kondisyon at sistema ng pagsasaka sa rehiyon. Higit pa sa pangangalap ng impormasyon, ang mga datos at rekomendasyong nakalap mula sa mga komunidad ay magsisilbing matibay na batayan sa pagdidisenyo ng mga Research for Development (R4D) initiatives ng DA RFO 02. Sa pamamagitan nito, mas magiging angkop, epektibo, at napapanahon ang mga teknolohiya at serbisyong ipagkakaloob sa bawat lugar. Kabilang sa mga barangay na napuntahan ng PRA Team ang Kimbutan, Dupax del Sur at Ibung, Villaverde sa Nueva Vizcaya; Guam, San Guillermo sa Isabela; Baguio Village, Diffun, Balligui, Maddela, at San Dionisio II, Nagtipunan sa Quirino; at Palloc, Ballesteros at San Antonio, Baggao sa Cagayan. Bilang pagpapatuloy ng aktibidad, bibisitahin naman ng grupo ang Dadda, Amulung, at San Luis, Tuao sa Cagayan. Sa pamamagitan ng aktibong pakikinig at pakikipagtulungan sa mga komunidad, patuloy na isinusulong ng DA RFO 02 ang pananaliksik na nakabatay sa tunay na pangangailangan ng mga magsasaka. Sa ganitong paraan, inaasahang makabubuo ng mga makabago at angkop na teknolohiya at mga programang magpapataas ng ani, magpapalakas ng kabuhayan, at mag-aambag sa isang mas matatag, produktibo, at maunlad na sektor ng agrikultura sa Cagayan Valley. Isinulat ni: Jufanuel Apolonio |
