Upang mas mapakinabangan ang mga pump-irrigated at communal irrigation service rice areas, mapabilis ang muling pagtatanim ng palay matapos ang anihan, at makatulong na mabawi ang posibleng pagbaba ng ani dulot ng El Niño, namahagi ang Department of Agriculture – Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), sa pamamagitan ng Rice Program ng halos P98.11 milyong halaga ng agricultural interventions sa ilalim ng Quick Turnaround of Rice Production (QTA) sa mga piling bayan sa Cagayan Valley noong ika-24 ng Hulyo, 2026 sa Brgy. Mabini, Gamu, Isabela.
Ang QTA ay ipinapatupad sa mga pump-irrigated at communal irrigation service rice areas na maagang nagtanim noong Abril at nag-aani pagsapit ng Hulyo, na nagbibigay-daan sa mga magsasaka na agad na makapagtanim muli para sa panibagong cropping season. Sa pamamagitan nito, layunin ng DA RFO 02 na mapataas ang produktibidad ng mga sakahan, at maisulong ang target na limang (5) cropping sa loob ng (2) dalawang taon sa mga angkop na target areas.
Sa kabuuan, inaasahang makapagdaragdag ang QTA ng humigit-kumulang 66,106 metrikong tonelada (MT) ng palay na makatutulong sa pagbawi sa inaasahang pagbaba ng produksyon sa Cagayan Valley.
Saklaw ng pamamahagi ang 14,186 ektarya ng mga palayan sa mga piling bayan ng Cagayan, Isabela, at Nueva Vizcaya. Kabilang sa mga ipinamahaging interbensiyon ang hybrid rice seeds, biofertilizer, at inorganic fertilizer.
Kabilang sa mga paunang natukoy na benepisyaryo ang mga sumusunod na farmers’ cooperatives and associations:
- Silap Roxas Irrigators Association Inc. ng Solano, Nueva Vizcaya
- Bonfal West Irrigators Association Inc.;
- Bonfal Proper Irrigators Association Inc.;
- Bonfal East Irrigators Association Inc.;
- Luyang Irrigators Association Inc.; at
- La Torre-Casat Irrigators Association Inc. ng Bayombong, Nueva Vizcaya
- Marogan Irrigators Association Inc.;
- Kabayawasan Irrigators Association Inc.;
- United Sawmill Pieza Irrigators Association Inc.;
- Ibung Nagbitin Irrigators Association Inc.; at
- Balaquit SWIP Irrigators Association Inc. ng Villaverde, Nueva Vizacaya
- Baru A Langa ti Mannalon Cooperative (BALMACO) ng Gamu, Isabela
- Sampaguita Fresh Water Pump Irrigators Association ;
- Carilucud Farmers Water Pump Association; at
- Sampaguita Farmers Water Pump Irrigators Association Cooperative ng Solana, Cagayan.
Patuloy na isinusulong ng DA RFO 02 ang mga estratehiyang magpapataas sa produktibidad ng sektor ng palay at magpapalakas sa kakayahan ng mga magsasaka na makasabay sa tamang schedule ng pagtatanim upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng bigas sa rehiyon.
Istorya mula kay Barby Balcita
