Sa patuloy na suporta at hakbang ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02) sa epekto ng El Niño, nagkaloob ang ahensya ng 130 units ng Pump Irrigation System for Open Source (PISOS) with complete accessories na nagkakahalaga ng P13 milyon para sa grupo ng mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela noong Hulyo 24, 2026. 

Ang mga benepisyaryo ay nakaranas ng totally damaged sa kanilang mga taniman ng mais dulot ng matinding tagtuyot. Layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka na makabangon at mapalakas ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabagong kagamitang pansakahan at iba pang suportang pang-agrikultura.

Ang interbensyong ito ay pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) 2026 Corn Program bilang bahagi ng programa ng pamahalaan upang palakasin ang sektor ng mais at mapataas ang katatagan ng mga magsasaka laban sa epekto ng pagbabago ng klima.

Ang mga asosasyon at kooperatiba ng mga magsasaka sa Isabela na tumanggap ng PISOS with complete accessories ay ang mga sumusunod:

District 1

  • Asosasyon ng mga Ama Siyudad ng Ilagan (AMA-SILA) Inc. – 20 units
  • Lapogan Multi-Purpose Cooperative – 10 units
  • Tumauini Amianan Farmers Irrigators Association, Inc. – 10 units

District 2

  • Casala Livelihood Farmers Irrigators’ Association Inc. – 10 units
  • San Mariano Farmers Agriculture Cooperative – 10 units

District 5

  • Quirino Isabela Multi-Purpose Cooperative – 20 units
  • San Pedro Farmers Association – 10 units

District 6

  • Isabela West Tanap Agriculture Cooperative – 10 units
  • Queen Isabela Mango Producers Cooperative – 10 units
  • Mabbayad Farmers Association – 10 units
  • Dappit Dugayong-Salay Small Water Irrigation System Association – 10 units

Samantala, nauna nang nakapamahagi ang DA RFO 02 ng kaparehong interbensyon sa lalawigan ng Cagayan, kung saan 120 units ng PISOS with complete accessories na nagkakahalaga ng P12 milyon ang ipinagkaloob sa mga kwalipikadong samahan ng mga magsasaka. Ang sunod-sunod na pamamahaging ito ay nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na maihatid ang kinakailangang suporta sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa buong Rehiyon 2.

Sa pamamagitan ng interbensyong ito, inaasahang mapapabilis ang rehabilitasyon ng mga apektadong sakahan, mapababa ang gastusin sa produksyon, mapataas ang ani at kita ng mga ito at higit na mapalakas ang katatagan ng sektor ng agrikultura sa rehiyon laban sa epekto ng climate change.

Istorya mula kay Julian Florague