Mas pinaiigting ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 (DA RFO 02), sa pamamagitan ng Corn Program, ang pagsusulong ng paggamit ng mga inirerekomendang teknolohiya sa produksyon ng mais sa broad areas sa isinagawang Briefing on the Implementing Guidelines and Profiling of Farmer-Cooperators para sa Upscaling of Recommended Corn Production Technologies (RCPT) Project. Dinaluhan ito ng mahigit 200 magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng San Mariano, Isabela noong Hulyo 23, 2026.
Bilang kinikilalang Top Corn Producing Region ng bansa, patuloy na ipinatutupad ng kagawaran ang mga inisyatibong naglalayong mapataas ang production efficiency, madagdagan ang supply ng de-kalidad na yellow at white corn para sa feeds at food, at mapataas ang kita ng mga magsasaka ng mais sa pamamagitan ng pagpapatupad ng value chain approach at pagpapalawak ng paggamit ng RCPT para sa lalawigan.
Saklaw ng proyekto ang mga lugar na nagtatanim ng yellow at white corn, na ipatutupad sa pamamagitan ng mga corn cluster. Ang mga cluster na lalahok ay kinakailangang may lawak na 200-1,000 ektarya para sa yellow corn at 100- 500 ektarya para sa white corn.
Bibigyang-priyoridad ang mga production area na may average grain yield na mas mababa sa 4.20 metric tons bawat ektarya (mt/ha) para sa yellow corn at 2.00 mt/ha para sa white corn. Bilang suporta, pagkakalooban ang mga kwalipikadong farmer-beneficiaries ng de-kalidad na binhi ng mais at kumpletong pangangailangan sa pataba sa pamamagitan ng kanilang cluster organization para sa isang cropping season.
Matapos ang briefing, nagsagawa rin ng open forum upang sagutin at linawin ang mga katanungan ng mga magsasaka hinggil sa proyekto. Sinundan ito ng profiling sa mga kalahok bilang bahagi ng pangangalap at beripikasyon ng datos ng mga magsasakang maaaring maging benepisyaryo ng RCPT Project.
Istorya mula kay Castle Castillo
