Pinangunahan ng DA RFO 2 ang Stakeholders’ Meeting para sa pagbuo ng 300-Ektaryang Corn Silage Development Plan sa Solana, Cagayan, isang inisyatibang isinusulong sa pamamagitan ng pagtutulungan ng kagawaran, Solana LGU, at pribadong sektor sa pangunguna ng Aurora Premium Cattle Inc. (APCI), ngayong araw sa Dassun, Solana, Cagayan. Layunin ng programa na palakasin ang corn silage–cattle industry bilang tugon sa epekto ng climate change, kabilang ang El Niño, at matiyak ang sapat na suplay ng de-kalidad na pakain para sa industriya ng baka. 

Dumalo sa aktibidad si Assistant Secretary for Ruminant Livestock Dr. Benjamin C. Albarece, kasama ang mga opisyal at technical personnel ng DA RFO 2 sa pangunguna ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, mga kinatawan ng Solana LGU sa pamumuno ni Mayor Meynard Z. Carag, APCI, mga magsasaka, kooperatiba, at iba pang katuwang na ahensya.

Ibinahagi ni Municipal Agriculturist Engr. Monico R. Castro Jr. ang malaking potensyal ng Solana sa corn silage production, kung saan humigit-kumulang 75 porsyento ng kabuuang produksyon ng mais sa bayan ay nagmumula sa mga barangay ng Dassun, Malacabibi, Bauan East, at Bauan West.

Gayunpaman, binanggit niya ang epekto ng pabago-bagong klima sa produksyon ng mais, ani niya, “Pero dahil po sa climate change, ang ating agriculture ay sala sa init, sala sa lamig. ‘Pag panahon ng lamig, maulan, because of our geographical location, nag-eextend ang ating planting dahil nababasa just like last year.”

Bilang tugon, isinusulong ng kagawaran ang pag-angkop ng planting calendar sa pamamagitan ng isang grain corn cropping at tatlong silage corn cropping kada taon na may ani sa loob ng 65–70 araw matapos itanim. Magbibigay rin ang kagawaran ng high-silage-yield corn varieties, teknikal na suporta, at supplemental irrigation upang makamit ang mas mataas na herbage at silage yield.

Tinalakay naman ni Dr. Charlie Alejandro, Farm Manager ng APCI, ang mga production practices ng kumpanya sa silage development at ang bisyon nito para sa pagtatatag ng integrated corn silage industry at processing facility sa Solana. Binigyang-diin na mahalaga ang pagtanggap ng mga magsasaka sa mga makabagong teknolohiya at siyentipikong pamamaraan upang makamit ang target na silage production ng pribadong katuwang na pinangungunahan ni President Richard Tan.

“Mag-asawa dapat nagtutulungan. So, dahil mag-asawa ang DA, LGU, at private sector, magiging asawa rin namin kayo [magsasaka]. May iaambag kayo. Ito ang tulungan ninyo ang mga sarili ninyo. Kailangan ninyong matutong maging receptive at submissive sa paggamit ng teknolohiya para ma-achieve ang high silage yield of 55.0 tons/ha,” ani naman ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino bilang panghihikayat sa pagtutulungan ng mga katuwang sa programa.

Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, patuloy na pinapalakas ng DA RFO 2 ang corn silage–cattle industry upang makabuo ng mas produktibo, climate-resilient, at sustainable na kabuhayan para sa mga magsasaka at livestock raisers sa Lambak ng Cagayan. 

Istorya mula kay Pauline Joy Lago