Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) at Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa lahat ng bayan sa probinsya ng Cagayan, isinagawa ang Ceremonial Awarding of the El Niño Mitigation and Adaptation Assistance sa bayan ng Piat, Cagayan.

Pinangunahan ni DA Region 02 Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino ang pamamahagi ng iba’t ibang agricultural interventions, kasama sina Cagayan Governor Edgar “Egay” Aglipay mga ilang alkalde, mga Municipal Agriculturists ng iba’t ibang bayan, at iba pang opisyales ng DA Region 02 at kapitolyo sa lalawigan ng Cagayan.

Sa pag-aaral ng DA Region 02, ang mga ipinamahaging suporta na umabot sa mahigit P6.6milyong kabuuang halaga ay naaangkop na solusyon sa mga apektadong magsasaka ng El Niño upang makapagbigay ng agarang kabuhayan. Kabilang na rito ang binhing munggo at sibuyas bilang mga drought resistance commodities at maituturing cash crops dahil ito ay madalas na ginagamit sa pagluluto at mabilis lamang maibenta.

Ang munggo ay nangangailangan ng kaunting tubig kumpara sa mga pananim tulad ng palay at mais. Maikli lamang ang panahon ng paglaki nito dahil maaari itong anihin sa loob ng humigit-kumulang 60-75 araw, kaya nakatutulong ito sa mga magsasaka bago pa lumala ang kakulangan sa tubig. Nakatutulong ang munggo sa pagpapayaman ng lupa dahil ito ay nitrogen fixing crop bilang praktikal na pataba para sa susunod na tanim at makatitipid sa gastusin sa production input.

Ang sibuyas naman ay angkop itanim tuwing dry conditions dahil mas maganda ang paglaki nito kapag kaunti ang ulan. Maaari rin itong magbigay ng mas malaking kita dahil kadalasang tumataas ang presyo ng sibuyas kapag limitado ang suplay nito sa merkado. Sa pamamagitan ng paggamit ng drip irrigation at mulch, maaari ring mapalago ang sibuyas nang mas matipid sa tubig.

Samantala, ang ibinigay na DADOS chicken ay signature breed ng regional office 02 na may mababang maintenance sa pag-aalaga nito tulad ng limitadong pagpapainom ng tubig. Makatutulong din ito para sa kanilang egg production at food consumption o kaya ay maaari nila itong paramihin upang pagkakitaan.

Ang mga livelihood recovery interventions na naibigay:

  • 6,000 kilo ng binhi ng munggo na nagkakahalaga ng P690,000;
  • 725 pakete ng 10-in-1 vegetable seeds na nagkakahalaga ng P701,800;
  • 48 lata ng onion seeds para sa Baggao na nagkakahalaga ng P134,400;
  • 150 cans onion seeds para sa Piat Onion Growers Association na nagkakahalaga ng P420,000, kasama ang 13 bags organic fertilizer na nagkakahalaga ng P22,750;
  • 70 cans onion seeds para sa Centro Norte Farmers Association na nagkakahalaga ng P196,000, kasama rin ang 13 bags organic fertilizer na nagkakahalaga ng P22,750; at
  • 100 heads of DADOS chicken at 2 canister ng African Duck Egg (ADE) na nagkakahalaga ng P50,000.

Kasama na rin dito ang ibibigay na 40 units mobile solar-powered irrigation system (SPIS), na pangunahing kailangan ng mga magsasaka upang matugunan ang kakulangan ng suplay ng tubig sa kanilang mga sakahan. Ang kabuuang halaga nito ay umaabot sa P4.4 milyon.

Ang mga rehistradong benepisyaryong magsasaka ay may totally damaged sa kanilang maisan at palayan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni RED Rose Mary G. Aquino ang patuloy na pagbibigay ng ahensya ng alternatibong solusyon upang hindi tuluyang maapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Ibinahagi rin nito ang kahalagahan ng food system na isinusulong ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ang Farm-to-Market Road (FMR), Food Hub, at Postharvest Infrastructure upang mapahusay ang food supply chain at mapalakas ang ugnayan ng produksyon, transportasyon, at distribusyon ng mga produktong agrikultural.

Ang aktibidad ay bahagi ng mas malawak na programa ng DA sa pagpapatupad ng mga hakbang sa mitigation at adaptation upang matiyak ang patuloy na pag-unlad at katatagang kabuhayan ng mga magsasaka sa buong region 02.

Istorya mula kay Julian Florague