CAUAYAN CITY, Isabela – “Dati-rati kasi, kapag nagkakaroon na ng sakit ang mga alaga namin, kinakatay namin. Hindi pala dapat ganoon.”

Ito ang pahayag ni Gng. Rowela Langcao, isang raiser ng manok, turkey, at kalapati, matapos dumalo sa “Catch the FACTS, not the FLU! Avian Influenza Information Caravan” noong Hulyo 15, 2026 sa Cauayan City, Isabela.

Ayon kay Langcao, may pagbabagong dulot ang caravan sa kanyang pag-unawa sa tamang paghawak sa mga alagang may sakit.

“…dapat pala ito’y ireport sa munisipyo o barangay, na ito ay may sakit na, para ito ay matugunan ng aksyon kaagad at hindi na ito lumala pa,” ani Langcao.

Ang karanasan ni Langcao ay sumasalamin sa layunin ng Avian Influenza Information Caravan na palakasin ang kamalayan ng mga poultry raisers sa pag-iwas, tamang pag-uulat, at pagkontrol sa sakit.

Dinaluhan ito ng mahigit 100 poultry raisers, farm owners, traders, veterinarians, barangay officials, policymakers, at iba pang stakeholders mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan at pinangunahan ng Avian Influenza Protection Program (AIPP) Officers ng Bureau of Animal Industry ang pagbabahagi ng mga kaalaman. Katuwang ng tanggapan ang Regional Veterinary Quarantine Services Region 2, Department of Agriculture Regional Field Office No. 02, at mga lokal na veterinary at agriculture offices.

Sa caravan, ipinaliwanag ng mga eksperto ang mga senyales ng Avian Influenza tulad ng biglaang pagkamatay ng manok, panghihina, kawalan ng gana sa pagkain, at pagbaba ng produksyon ng itlog, gayundin ang mga banta nito sa kabuhayan ng mga poultry raisers at sa kalusugan ng tao.

Tinalakay rin kung paano kumakalat ang sakit sa pamamagitan ng kontaminadong gamit at pagkakaroon ng direktang ugnayan sa mga may sakit na ibon, habang binigyang-diin ang kahalagahan ng mga biosecurity measure gaya ng regular na paglilinis at pag-disinfect ng kulungan at pag-iwas sa pagpasok ng hindi awtorisadong tao.

Para naman kay Gng. Dianne Angela Gonzales, co-owner ng CDL Abrenicas Farm, nakatulong ang caravan upang mapalakas ang kanilang kabuhayan.

“Napaka-interesting po ng topic, dahil binigyan nila kami ng reminder sa biosecurity, and also as part of a commercial poultry farm na may RTL, naging ways po yung pagturo nila kung paano po yung shipping ng products naten,” ani Gonzales.

Samantala, ayon kay Dr. Joshua F. Cruz, Veterinarian III ng BAI- AHWD, mahalagang maabot ng tamang impormasyon ang mga komunidad upang maiwasan ang pagkalat ng maling paniniwala  tungkol sa sakit.

“Alam natin na seryoso ang banta ng Avian Influenza…kaya mahalaga ang kaalaman upang mapigilan natin ang pagkalat nito,” ani Dr. Cruz.

Sa buong araw na programa, nagbigay rin ng update ang mga kinatawan patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng Avian Influenza sa bansa at sa rehiyon. Tinalakay din ang AI vaccination, mga programa para sa livestock sector, at mga regulasyon sa lokal na pagbiyahe ng poultry.

Naging aktibo rin ang mga kalahok sa open forum na nagbigay sa kanila ng pagkakataong malinawan at masagot ang kanilang mga katanungan tungkol sa Avian Influenza at mga hakbang sa mga regulasyon nito.

Sa pagtatapos ng caravan, namahagi ng mga information and education materials at sertipiko sa mga kalahok. Binigyang-diin sa pagtatapos ng aktibidad na ang maagap na pag-uulat ng anumang kahina-hinalang sintomas o biglaang pagkamatay ng alaga sa beterinaryo o sa kinauukulang tanggapan ng DA ay mahalagang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at maprotektahan ang kabuhayan ng mga poultry raisers at kalusugan ng tao.

Istorya mula kay Aza-zel T. Erro