Naglatag ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO 02) sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ng iba’t ibang agarang tulong sa sektor ng agrikultura upang matulungan ang mga apektadong magsasaka dulot ng El Niño, matapos ang isinagawang emergency meeting sa probinsya kasama ang League of Mayors at mga City/Municipal Agriculture Officers (C/MAOs) noong Hulyo 15.

Pinangunahan nina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Isabela Governor Rodito T. Albano, DA RFO 02 RTD for Operations and Extension Dr. Roberto C. Busania, Vice Governor Francis Faustino “Kiko” A. Dy, LPGMA Party-list Representative Allan U. Ty, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at kinatawan  mula sa NIA-MARIIS para pag-usapan ang mga hakbang sa paghahanda sa maaaring pinsala ng tagtuyot at mapanatili ang produksiyon ng pagkain sa gitna na kinakaharap na krisis.

Bilang tuloy tuloy na bahagi ng mga hakbang at pagkilos ng DA RFO 02, nakatakdang ipamahagi ang 130 pump and engine sets na nagkakahalaga ng P96,000 bawat unit upang makatulong sa pagbibigay ng karagdagang suplay ng tubig sa mga sakahang maaaring maapektuhan ng kakulangan sa patubig.

Katulad sa ginanap na unang pagpupulong, maglalaan din ang ahensiya ng 40 mobile solar-powered irrigation systems (SPIS) na nagkakahalaga ng P110,000 bawat unit bilang suporta sa pagpapalakas ng irigasyon at pagpapanatili ng produksyon sa mga lugar na posibleng tamaan ng matinding init.

Samantala, ipagpapatuloy din ang pagpapatupad ng fuel subsidy kung saan nasa mahigit 7,000 magsasaka ang nakatakdang tumanggap ng P5,000 bawat isa ngayon taong 2026, habang nasa mahigit 400 na magsasaka ang tatanggap naman ng kaparehong ayuda na katuloy sa pamamahagi noong nakaraang taong 2025.

Magbibigay din ang ahensya ng mga alternatibong pananim sa mga apektadong magsasaka ng palay at mais tulad ng 47 toneladang binhi ng monggo na ipamamahagi sa 8,000 magsasaka, 1,000 cans onion, at iba pang binhi tulad ng glutinous white corn, mani, watermelon at binhi ng mga gulay.

Isasagawa rin sa probinsya ng Isabela ang cloud seeding operation sa mga susunod na araw ngayong Hulyo bilang agarang aksyon ng DA RFO 02, sa pakikipagtulungan sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) at lokal na pamahalaan ng Panlalawigan.

Samantala, hinikayat ng Gobernador at House Speaker Dy ang mga pamunuan ng mga lokal na pamahalaan sa probinsya na pabilisin ang validation ng mga magsasakang naapektuhan upang matiyak na ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay agad na mapagkakalooban ng kaukulang suporta mula sa pamahalaan.

Hangad din ng mga liders na magpatupad ng mga pangmatagalang programa sa sektor ng agrikultura laban sa epekto ng climate change sa lalawigan. Kabilang dito ang pagpapalawak ng mga proyektong irigasyon sa Isabela upang madagdagan ang mga lupang maaaring taniman ng palay at makatulong sa pagpapataas ng lokal na produksiyon ng pagkain.

Istorya mula kay: Julian Florague